No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

14 MSMEs sa Pangasinan, natulungan ng SETUP program ng DOST

LUNGSOD NG DAGUPAN (PIA) – Nasa 14 na micro, small at medium enterprises (MSMEs) sa lalawigan ng Pangasinan ang nabigyan ng tulong ng Department of Science and Technology (DOST) sa ilalim ng programa nitong Small Enterprises Technology Upgrading Program (SETUP).
 
Ayon kay Edward Ugale, project assistant II ng DOST Pangasinan, nasa P9.7 milyon ang naipamahagi ng DOST sa mga maliliit na negosyante sa Pangasinan bilang pautang o soft loan sa ilalim ng SETUP program.
 
“Ang SETUP ay naglalayon na matulungan ang mga maliliit na negosyante sa pamamagitan ng pagpapahiram ng halaga na maaaring gamitin para makapag-upgrade ng kanilang makinarya upang mapabilis ang kanilang produksyon at ma-cater ang demand ng kanilang produkto o serbisyo,” ani Ugale.
 
Dagdag pa niya na ang programa ay walang hinihinging collateral at wala ring pinapatong na interes kung kaya't malaking tulong umano ito sa mga nais mag-infuse ng teknolohiya sa kanilang negosyo.
 
Ani Ugale, layunin din ng programa na mas mapalakas ang innovation system ng ating bansa at matulungan ang MSMEs sa kanilang technological na pangangailangan at ma-improve ang kanilang productivity at efficiency.
 
Aniya, ang mga MSMEs na benepisyaryo ng programa ay binibigyan din ang DOST ng anim na buwan na grace period bago sila magsimulang magrefund.
 
Dagdag pa niya sa mga nais mag-avail ng programa, kailangan lamang ay magbigay ng letter of intent, kopya ng business permit o lisensya tulad ng Mayor’s permit at DTI permit.
 
“Kailangan din na ang kanilang negosyo ay operational ng hindi bababa sa tatlong taon, nakabase ang negosyo sa Pilipinas, pagmamay-ari lamang ng isang mamamayang Pilipino at handang gumamit ng teknolohiya o makinarya sa kanilang mga produkto o serbisyo,” dagdag nito.
 
Aniya, dapat ay maghanda rin ang MSMEs ng tatlong taong financial statement at notarized na sertipikasyon mula sa kanilang negosyo, at tatlong quotation ng kagamitan mula sa tatlong magkakaibang supplier na may kumpletong mga detalye at mga larawan ng kagamitan na kailangan.
 
Ayon kay Ugale, ang mga negosyanteng kwalipikado sa programa at prayoridad ng DOST ay mga nasa sektor ng food processing; furniture; gift decors/handicrafts; agricultural, marine, aquaculture, forestry and livestock; metals engineering; and information communication technology (ICT). (JCR/AMB/EMSA/PIA Pangasinan)
 

About the Author

Elsha Marie Arguel

Information Officer II

Region 1

Information Officer II assigned at PIA Pangasinan located in Dagupan City

Feedback / Comment

Get in touch