No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Closing ceremony ng 33rd National Statistics Month celebration, isinagawa

Nagpasalamat si Philippine Statistics Authority (PSA) MIMAROPA Regional Director sa lahat ng mga lumahok at nakiisa sa month-long celebration ng 33rd National Statistics Month. Aniya, ang mga ganitong gawain sa pakikipagtuwang sa iba't-ibang ahensiya ay makakapagprodyus ng magandang resulta para sa kapakanan ng mga Mimaropans.
Ipinaliwanag ni BSP Financial Inclusion Office Deputy Director Mynard Bryan R. Mojica ang pagkakaroon ng konkretong plano ng mga indibidwal pagdating sa pinansiyal na aspeto.
Ang Paleng-QR ay isa sa mga isinusulong na programa sa ilalim ng NSFI upang gawing cashless na ang pagbabayad ng mga mamamayan sa mga pamilihan o di kaya sa mga PUVs.
Tampok din sa closing ceremony ang paglulunsad ng Socio-Economic Profile ng mga lalawigan sa MIMAROPA. Dito, makikita ang ibat-ibang napapanahon na istatistika sa MIMAROPA.

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Bilang hudyat ng pagtatapos ng month-long celebration ng Philippine Statistics Authority (PSA), isinagawa ang Closing Ceremony ng 33rd National Statistics Month noong Oktubre 25 sa Audio Visual Room ng Mindoro State University, Calapan City Campus, Oriental Mindoro.

May tema ang selebrasyon ngayong taon na "Boosting the Country's Recovery with Informed Decisions, Better Policies." Sinimulan ang nationwide 33rd National Statistics Month noong Oktubre 10 kung saan iba’t-ibang mga aktibidad ang isinagawa upang gunitain ang naturang selebrasyon. Nilahukan naman ang mga naturang aktibidad ng mga lokal at nasyunal na ahensiya bilang pagpapakita ng suporta sa mga naturang gawain.

Malaki naman ang naging pasasalamat ni Philippine Statistics Authority (PSA) MIMAROPA Regional Director Leni R. Rioflorido sa lahat ng mga ahensiya na nakilahok at sumuporta sa month-long celebration ng 33rd NSM sa naging mensahe nito.

Aniya, ang pagsuporta nila ay isa sa mga paraan upang maitaas ang kamalayan ng mga mamamayan hinggil sa kahalagahan ng istatistika hindi lamang sa pagbuo ng mga polisiya at programa na kapapakinabangan ng mga mamamayan; maging sa pang araw-araw na buhay ng mga ito. Pinasalamatan naman ni RD Rioflorido ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) bilang sponsor ng closing ceremony ng Closing Ceremony.

Ipinahatid naman ni BSP South Luzon Regional Office Regional Director Atty. Tomas J. Cariño ang mensahe ng pagsuporta ng pamunuan ng BSP sa PSA. Anila, katuwang nila ang naturang ahensiya sa pagkalap at pagpapalaganap ng tama at napapanahong impormasyon at datos sa nakararami.

Ibinibahagi naman ni BSP Financial Inclusion Office Deputy Director Mynard Bryan R. Mojica ang kahalagahan ng National Strategy for Financial Inclusion (NSFI), 2022-2028.

Aniya mahalaga ang financial inclusion sa kabuoang kaunlaran ng isang bansa; partikular sa mga mamamayan na apektado ng pandemya at pagtaas ng mga bilihin sa merkado. Kabilang sa Sustainable Development Goals ng Financial Inclusion strategy ay ang pagbawas ng kahirapan; eradikasyon ng kagutuman, maaasahang serbisyong pangkalusugan, gender equality, at maayos na trabaho at ekonomiya.

Tinalakay din ni BSP Deputy Director Mojica ang isinusulong na program sa ilalim ng National Strategy for Financial Inclusion (NSFI) na PALENG-QR PH.

Ang Paleng-QR Ph ay isang collaborative framework na naglalayon na gawing "cashless" o "digitized" ang pagbabayad sa mga lokal na pamilihan at pamasahe sa mga Public Utility Vehicles (PUVs).

Ibig sabihin, hindi na kakailanganing magdala ng pisikal na pera ang mga mamamayan sa pagbabayad sa mga nabanggit na serbisyo.

Isa sa nakikitang adbentahe ng pagsusulong ng cashless transactions ay ang pagtuturo sa mga indibidwal ng financial literacy o ang tamang paghawak at gastos ng kanilang salapi.

Samantala, inilunsad naman ang Socio-Economic Profile of MIMAROPA Provinces bilang bahagi ng Closing Ceremony. Ilan lamang sa datos na nakalagay sa naturang profile ay ang Physical and Demographic Characteristics ng bawat probinsya; Economic activities, Social Services, Infrastructure and Utilities, at Financial Profile. Maaaring i-access ang naturang profile sa website ng PSA MIMAROPA sa rssomimaropa.psa.gov.ph.

Bilang pagtatapos ng aktibidad ay pinarangalan naman ang mga nanalo sa mga nakalipas na patimpalak na pinangunahan ng PSA. Ilan lamang sa mga aktibidad na ito ay ang Infographics Making Contest kung saan nakamit ng National Economic Development Authority (NEDA) MIMAROPA ang 1st place; samantala nasungkit naman ni Sarah Mae Anyayahan mula Managpi National HighSchool, Calapan City ang 1st place para sa Poster Making Contest. Samantala, pinarangalan din ang mga ahensiya na nagpakita ng suporta sa mga programa at proyekto ng PSA nitong nakalipas na taon. (JJGS/PIA-MIMAROPA)

About the Author

Juanito Joshua Sugay

Information Officer II

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch