LUNGSOD NG SAN FERNANDO (PIA) – Puspusan na ang paghahanda ng La Union Police Provincial Office (LUPPO) para sa ligtas na pagdiriwang ng Undas sa ika-isa ng Nobyembre.
Kinumpirma ni PCPT Clinton Amawan, assistant unit chief ng Police Community Affairs Division Unit ng LUPPO, ang pakikipag-ugnayan ng buong kapulisan sa probinsya lalo na sa mga may sementeryo at iba pang lugar na dadagsain ng tao.
“Also, the whole officers of La Union police conducted the joint Peace and Security Council Meeting with other agencies like Coast Guard and Philippine Army or the Armed Forces of the Philippines para sa deployment ng ating personnel at sila’y magbibigay din ng karagdagang personnel para sa deployment,” ani Amawan.

Dagdag pa niya, “As of this moment, we have more than a thousand na police officers na made-deploy sa buong probinsya and we are counting more from the other uniformed services of the government just like from the previous years.”
Mahigpit ding ipinagbabawal sa mga sementeryo ang pagdadala ng gamit sa pagsusugal, pagdadala ng alak, matatalas na bagay at baril, at pagpapatugtog ng malakas na musika.
Aniya, “Mayroon din pong Oplan Bandilyo ang kapulisan na kung saan ibabandilyo ang safety measures through recorded audio to be played po sa lahat ng cemeteries, ipi-play po as preventive measure para mare-remind sila ng mga dapat gawin upang maiwasan ang commission ng crime.”
Pinaalalahanan din ng pulisya ang publiko na sumunod sa mga panuntunan lalo na sa mga ipinagbabawal na gawain dahil mahigpit na ipapatupad nito ang karampatang parusa sa mga lalabag dito. (JCR/AMB/KJCR, PIA La Union)