Bubuksan na bukas ang Bangan Hill National Park (BHNP) sa Bayombong, Nueva Vizcaya. Inaasahan itong dadagsain muli ng mga turista bilang eco-tourism attraction . Larawan mula sa DENR CV FB Page
BAYOMBONG, Nueva vizcaya (PIA) - - Bubuksan na bukas sa publiko ang Bangan Hill National Park (BHNP) sa bayang ito upang ibalik ang nasabing ecotourism attraction sa mga mamamayan at turista.
Ayon kay Provincial Environment and Natural Resources Officer Giovanie Magat, ang BHNP ay sumailalim sa rehabilitasyon upang lalo pang mapaganda at madagdagan ang mga pasilidad nito.
“Sa loob ng mahigit dalawang taon na COVID-19 Pandemic, ipinatayo natin ang mga karagdagang mga pasilidad at pinaganda natin ang mga imprastraktura lalo na ang daan papunta sa viewdeck upang maging ganap itong eco-tourism attraction sa bayan at lalawigan,” pahayag ni Magat.
Ayon pa sa kanya, inaasahan ang pagdalo nina Department of Environment and Natural Resources (DENR) Regional Director Gwendolyn Bambalan, Representative Lusia Cuaresma, Governor Carlos Padilla, Bayombong Mayor Tony Bagasao at Vice Mayor Ramon Cabauatan sa programang inilaan para sa pormal na pagbubukas ng BHNP bukas.
Dagdag pa ni Magat na isang Motorcade mula Bayombong hanggang Solano ang isasagawa bukas na sasalihan ng iba’t-ibang ahensiya at organisasyon na katuwang ng DENR bilang hudyat sa pagbubukas muli ng BHNP.
Ang BHNP ay pinangangalagaan ng DENR katuwang ang Protected Area Management Board (PAMB) at Local Government Unit ng Bayombong. (BME/PIA NVizcaya) Mga larawan mula sa DENR CV FB Page.