
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (PIA) - - Pinuri kamakailan ni Governor Carlos Padilla ang Department of Agriculture (DA) at mga katuwang nitong ahensiya dahil sa implementasyon ng School-On-Air (SOA) Program sa lalawigan.
“Nakikita natin na maganda ang resulta nito kaya’t ipagpatuloy natin ang SOA sa susunod na taon. Ang pag-aaral ay dapat tuluy-tuloy kaya’t kailangan natin itong ipagpatuloy,” pahayag ni Padilla sa graduation rites ng mga magsasakang nagtapos ng SOA sa lalawigan.
Si Governor Padilla ang guest speaker kamakailan sa SOA graduation program sa provincial capitol sa bayang ito kung saan 1,600 na magsasaka mula sa iba’t-ibang bayan ng lalawigan ang nagtapos ng SOA sa DWRV programa na 'Palay Aralan Makabagong Pagsasaka sa Himpapawid'.
Ayon kay Padilla, epektibo at maganda ang SOA ng DA dahil ito ay panangga ng mga magsasaka sa epekto ng Rice Tarification Law at iba pang problema na hinaharap ng mga farmers.
Katuwang sa implementasyon ng SOA ang Agricultural Training Institute (ATI) at iba pang ahensiya sa ilalim ng DA. (BME/PIA NVizcaya)