No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pamilihang Bayan ng Santa Maria, San Rafael mga Huwarang Palengke

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Nakabalik bilang mga Huwarang Palengke ang mga Pamilihang Bayan ng Santa Maria at San Rafael sa Bulacan.
 
Ang Search for Huwarang Palengke 2022 ay bahagi ng pagdiriwang ng Consumer Welfare Month.
 
Sinabi ni Department of Trade and Industry Provincial Director Edna Dizon na muling hinirang bilang Huwarang Palengke sa Large Market Category ang Pamilihang Bayan ng Santa Maria dahil sa patuloy na epektibong pagpapatupad ng Republic Act 10611 o Food Safety Act at Republic Act 10536 o Meat Inspection Code of the Philippines.
 
Patunay dito ang pagkakaroon ng isang malinis at modernong katayan sa ilalim ng National Meat Inspection Service.
 
Sa pagpapatupad ng Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act, walang makikitang anumang kalat sa mga pasilyo ng Pamilihang Bayan ng Santa Maria dahil nasisimot ang mga basura ng mga regular na naglilinis.
 
Wala na ring makikitang manual na timbangan sa nasabing palengke dahil inubliga ng pamahalaang bayan ang mga lehitimong may pwesto rito na gumamit ng Digital Weighing Scale.
 
Layunin nito na matiyak na hindi nadadaya sa timbangan ang bawat mamimili gaano man karami o kakaunti ang nabili.
 
Tiniyak ni Santa Maria Mayor Omeng Ramos na patuloy na pagagandahin, pananatilihing malinis at mas lalakihan pa ang pamilihang bayan upang mapanatili ang pagiging huwaran nito.
 
Taong 2019 nang ginawaran bilang Huwarang Palengke sa Large Category ang Santa Maria. Sinundan ng Pamilihang Bayan ng Baliwag noong 2021 at muling naibalik sa Santa Maria ngayong 2022
 
Nakabalik din bilang Huwarang Palengke sa Small Market Category ang Pamilihang Bayan ng San Rafael.
 
Isa itong palengke na ipinatayo ng pamahalaang bayan noong 2014 sa ilalim ng Build-Operate-Transfer o BOT na isang mekanismo ng Public-Private Partnership o PPP.
 
Ayon kay San Rafael Mayor Mark Cholo Violago, binuksan ito noong 2016 kung saan pinalitan ang dating isang palapag na maliit na palengke.
 
Sa pamamagitan ng pribadong kompanya na pinagkalooban ng konsesyon sa ilalim ng BOT-PPP, mas lumaki ito dahil isang dalawang palapag na gusaling nakahugis kudrado ang naitayo.
 
Hindi naging mabigat na pasanin sa mga karaniwan at lehitimong nagtitinda na may pwesto rito ang pagkakapailalim sa pribadong kompanyang operator.
 
Nanatiling mababa ang upa para sa kanila na matagal nang nagtitinda rito.
 
Ipinaupa ng pribadong konsesyonaryo ang unang palapag sa mga malalaking establisemento upang sumuporta sa inilagak na puhunan dito gaya ng banko at iba’t ibang franchising firms.
 
Bukod sa dalawang palapag na gusali, may hiwalay pang pasilidad para sa wet section, malinis na slaughter house at matinong water supply system na ipinatayo rin ng konsesyonaryo.
 
Naging Huwarang Palengke sa Small Category na rin ang Pamilihang Bayan ng San Rafael noong 2019, naging nasa ikatlong pwesto noong 2021 at muling itinanghal ngayong 2022.
 
Kaugnay nito, nagbigay din ng Special Awards ang DTI sa iba’t ibang palengke base sa partikular na kategorya gaya ng Resilience Award sa Pamilihang Bayan ng San Miguel, Most Improved Market ang Pamilihang Bayan ng Bocaue, Sustainability Award sa Meycauayan People’s Market at Safety and Security Award sa Pamilihang Lungsod ng Malolos.
 
Pinagkalooban naman ng Compliance to Meat Safety Award ang Pamilihang Bayan ng San Rafael at Meycauayan People’s Market na kapwa naitayo sa pamamagitan ng sistemang BOT-PPP. (CLJD/SFV-PIA 3)

Tinanghal muli bilang Huwarang Palengke sa Small Market Category ang Pamilihang Bayan ng San Rafael. Isa itong palengke na isinailalim sa transpormasyon sa pamamagitan ng Build-Operate-Transfer na isang mekanismo ng Public-Private Partnership. (DTI Bulacan)

About the Author

Shane Velasco

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch