LUNGSOD NG MAYNILA -- Minamandato ng Philippine Ports Authority (PPA) sa bawat aplikante ng permit, lisensya at kontrata, kasama na ang mga kontraktor nito na magtanim ng 'di bababa sa isang libong (1,000) seedlings ng puno o mangroves.
Matatandaang matapos makita ang epekto ng deforestation at ng katatapos lamang na bagyong Paeng, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na dapat mas paigtingin ang tree planting sa buong bansa upang maiwasan ang matinding mga pagbaha.
“So we have to include tree planting in our flood control. Dapat kasama ‘yan. Kung gagastos tayo sa flood control, kailangan may tree planting,” ayon sa Pangulo.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9729 o “The Climate Change Act of 2009” na inakda ni Senator Loren Legarda, taong 2020 naglabas ang Philippine Ports Authority (PPA) ng Administrative Order No. 14-2020 na nagmamandato sa mga aplikante ng permit, kontrata at lisensya mula sa ahensya gayundin ang mga kontraktor nito na magtanim ng mga puno o mangroves na malaking tulong kapag may baha.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, target nitong palakasin pa ang tree planting initiatives ng PPA na sinimulan nito dalawang taon na ang nakararaan.
“Bilang tugon sa panawagan ng ating Pangulong BBM na magsagawa ng tree planting activities, lalo pang paiigtingin ng PPA ang tree planting initiative nito sa ilalim ng PPA Administrative Order 14-2020," ani Santiago.
Katuwang ang Community Environment and Natural Resources (CENRO), nakapagtanim na ang PPA ng mahigit 3,000 mangroves at seedlings sa Misamis Oriental, Misamis Occidental, Zamboanga, Agusan, Bicol, Negros Oriental at Bataan.
“Ikinatutuwa po ng buong pangasiwaan ng PPA na tayo ay kaalyado sa parehong pananaw ng ating mahal na Pangulo sa larangan ng reforestation at environmental protection," dagdag pa ni Santiago.
Sa ilalim ng nasabing PPA memorandum, nakasaad na maaring makansela ang Permit To Operate, Certificate of Registration, at kontrata ng mga indibidwal at mga service provider sa mga pantalan na hindi susunod dito. Ito aniya ang isa sa mga kontribusyon ng PPA sa pangangalaga sa kalikasan lalo’t nararamdam na ang epekto ng climate change sa buong mundo. (PPA)