FLORIDABLANCA, Pampanga (PIA) — Patunay ang mga bagong kagamitang tinanggap ng Philippine Air Force o PAF sa tinatahak na modernisasyon at pag-unlad ng hukbo, na bunga ng patuloy na pagsuporta ng pamahalaang nasyonal.
Kabilang na riyan ang Rafael SPYDER o surface-to-air python and derby ground-based air defense system o GBADS at C-295 Medium Lift Aircraft.
Sa kanyang mensahe sa isinagawang Acceptance, Turn-over at Blessing Ceremony ng mga naturang kagamitan na idinaos sa Basa Air Base, sinabi ni PAF Commanding General Lieutenant General Connor Anthony Canlas Sr. na ang Rafael SPYDER GBADS ang mangangalaga at magbibigay proteksyon sa bansa laban sa anumang banta sa himpapawid tulad ng missile threats.
Ito ay mayroong sariling command and control unit na kayang sumuri ng sitwasyon at makatanggap ng datos kahit sa malayong distansya.
Mayroon din itong tatlong missile firing units na kayang maglulan ng hanggang apat na canisterized missiles at kayang patamaan ang kalaban hanggang sa layong 50 kilometro.
Bitbit naman ng supply vehicle ang mga karagdagang missiles gayundin ito ang pangunahing ginagamit sa loading at unloading ng mga missile sa mga firing units.
Hindi mawawala sa GBADS ang field service vehicle na may dala ng mga spare parts at iba pang kagamitan.
Samantala, ang bagong C-295 medium lift aircraft ay may kapasidad na 65 paratrooper seats o katumbas ng 23,200 kilograms, may maximum cruise speed na 480 kilometro kada oras, at 11 oras na flight endurance.
Dagdag ni Canlas, ang dumating na karagdagang aircraft ay makatutulong hindi lamang sa maritime patrol kundi sa pagtugon sa kailangang airlift support tuwing panahon na may kalamidad o sakuna sa bansa.
Kanyang ipinaaabot ang pasasalamat sa lahat ng mga natatanggap na suporta tungo sa modernisasyon ng PAF.
Ang naturang seremonya ay dinaluhan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. (CLJD/CCN-PIA 3)
Si Philippine Air Force Commanding General Lieutenant General Connor Anthony Canlas Sr. habang ibinabagi ang mensahe sa opisyal na pagtanggap at pagbabasbas sa Ground-Based Air Defense System at C-295 Medium Lift Aircraft na daragdag sa lakas ng buong hukbo. (PAF)