No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Lalawigan ng Quirino, kinilala bilang kauna-unahang insurgency-free sa Rehiyon Dos

CABARROUGUIS, Quirino (PIA) - - Ginawaran ng Sertipiko ng Pagkilala ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas o AFP at Pambansang Pulisya ng Pilipinas (PNP) ang lalawigang ito bilang kauna-unahang insurgency-free na probinsiya sa programang “Alay sa Masa” at pagdiriwang ng ika-45 kaarawan ni Gob. Dax Cua noong Nobyembre 4, 2022.

Sa pangunguna ni BGen. Audrey Pasia, komander ng 5th Infantry Division at ni BGen. Danilo Benavides, komander ng 502nd Infantry Brigade, ibinigay ang nasabing sertipiko bilang katibayan ng pagkilala sa suporta ng liderato ni Gob. Cua sa hangarin ng AFP, Regional Task for to End Local Communist Armed Group, Peace, Law Enforcement and Development Support Cluster Region 2 na tapusin ang problema sa insurhensiya.

Sa isang panayam kay Gob. Dax Cua, kanyang hinimok ang mga Quirinian na panatilihin ang pagiging mapagmatyag laban sa droga at insurhensiya.

Sa panayam kay BGen. Benavides, sinabi nitong nalansag na ang Quirino-Nueva Vizcaya Guerilla Front simula pa noong Pebrero 2021.

“Sa aming nasasakupan, ang Quirino ang kauna-unahang lalawigang naideklarang insurgency-free at susunod na rin ang Isabela at Nueva Vizcaya dahil wala na ring mga aktibidad ang mga makakaliwang pangkat sa mga nasabing probinsya base sa close monitoring ng AFP at PNP,” pahayag ng Ben Benavidez.

Ani BGen Benavidez, isinailalim ang lalawigan sa close monitoring sa loob ng isa at kalahating taon upang masigurong wala nang mga gawaing kinasasangkutan ng mga makakaliwang pangkat sa lalawigan.

“Kaya gumawa na kami ng “Joint Report” ni  PCol. Rommel Rumbaoa, panlalawigang direktor ng Quirino Police Provincial Office na nagrerekomendang ideklara ng Quirino ang kalayaan nito sa insurhensiya,” ayon pa kay Bgen Benavidez.

Naniniwala umano si BGen Benavidez na hindi na papayag ang mga Quirinian na mapasok muli ng mga NPA ang kanilang lalawigan kasabay ng kanyang pagkilala sa malaking tulong ng mga lokal na pamahalaan sa “Whole of the Nation” approach para tapusin ang insurhensiya sa lahat ng dako ng bansa.

Sa panayam kay Gob. Cua, binigyang diin nito na ang pagkilala sa lalawigan bilang insurgency-free ay bunga ng pagkakaisa ng buong komunidad laban sa insurhensiya.

Ayon pa sa gobernador, ang pagkakatatag ng Quirino bilang insurgency-free ay nagdadala ng mensaheng ligtas ang sinumang magtutungo sa lalawigan.

“Hindi ito ang solusyon sa lahat ng problema sa insurhensiya ngunit naniniwala akong sa tulong ng buong komunidad ay mapapanatili nating insurgency-free ang ating lalawigan,” saad ng gobernador kasabay ng kanyang apela sa mga Quirinian na manatiling mapagmatyag laban sa insurhensiya. (OTB/TCB/PIA Quirino)

About the Author

Thelma Bicarme

Information Officer III

Region 2

Feedback / Comment

Get in touch