No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Ligtas na karne sa hapag-kainan, nakasalalay sa NMIS, LGU at mamamayan

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) – Bukod sa National Meat Inspection Service (NMIS), nakasalalay din sa Pamahalaang Lokal (LGU) at mga mamamayan ang pagtiyak na malinis at ligtas ang karneng ihahain sa hapag-kainan ng bawat tahanan.

Ito ang binigyang-diin ni Dr. Maria Ancilla Artiga, NMIS Mimaropa Regional Technical Director, sa nakaraang virtual Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA).

Ayon kay Artiga, napakahalagang masunod ang mga panuntunan at polisiya mula NMIS upang maiwasan ang kontaminasyon sa karne at pagmulan ng food poisoning. Aniya, pagdating pa lang ng slaughterhouse ay sinusuri agad ng kanilang meat inspectors ang hayop upang malaman kung malusog ba ito bago katayin. At kapag nakatay na, muli itong i-inspeksyunin upang tingnan kung maayos ba ang mga organs nito. “Pagkatapos, saka pa lamang kami mag-iisyu ng meat inspection certificate na patunay na ligtas kainin ang karne mula sa kinatay na hayop,” saad ni Artiga.

Binigyang diin ng opisyal na dapat ugaliin ng mga mamimili na hanapin ang meat inspection certificate sa mga nagbebenta ng karne dahil ito ang patunay na hindi botcha o hot meat ang karne. Hot meat ang terminong ginagamit sa mga karneng hindi dumaan sa kaukulang inspeksyon at walang katiyakan kung ligtas bang kainin. May kaukulang parusa sa mga mahuhuling may dala o/at nagbebenta ng hot meat, batay sa Meat Inspection Code of the Philippines.

Pagpapatuloy ni Artiga, mula sa slaughterhouse, ibibiyahe ang karne patungo sa palengke. Dapat aniya sa pagkakataong ito ay mapanatili ang tamang temperatura ng karne, hindi mainitan upang hindi mag-deteriorate ang kalidad nito. “Sa palengke naman, dapat tiyakin ng tindera na malinis ang stall, mga kutsilyo at iba pang kagamitan,” ani Artiga.

Nagbigay din ng tips ang NMIS Regional Technical Director sa mga maybahay. Bilin ng opisyal, hindi dapat masyadong pinupuno ang freezer upang maka-circulate ng maayos ang lamig at mapanatili ang kalidad ng nakaimbak na karne. Dapat din aniyang maghugas ng kamay bago humawak ng karne at tiyaking malinis ang kutsilyo at chopping board.

Dagdag-paalala ni Artiga, maging matalino ang mga mamimili ng karne, lalo ngayong magpapasko. Tiyaking may meat inspection certificate ang tindahan, inspeksyuning mabuti ang itsura ng bibilhin, at huwag tangkilikin ang karne dahil lamang sa mababang presyo nito.

Ang NMIS ay ahensya sa ilalim ng Department of Agriculture (DA) na gumagawa ng mga polisiya, programa, at alituntunin na may kaugnayan sa meat inspection at meat hygiene. (VND/PIA MIMAROPA)


About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch