BASCO, Batanes (PIA) – Namahagi kamakailan ang lokal na pamahalaan ng Batanes sa pangunguna ni Batanes Governor Marilou H. Cayco ng mga “gillnet” o lambat sa iba’t-ibang grupo ng mangingisda sa probinsiya.
Ang mga grupo ay mula sa mga bayan ng Mahatao, Ivana, Uyugan at Basco.
Maliban sa pamamahagi ng mga gillnet ay nagsagawa din ng libreng pagsasanay ang mga mangingisda sa paglikha ng matitibay na lambat na pinangasiwaan ng Provincial Agriculture Office (PAO).
Ayon kay Provincial Information Officer Justinne Socito, ang pamamahagi ng gillnet at pagsasanay sa paghabi nito ay bahagi ng patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan sa mga mangingisda sa probinsiya at pagkilala sa kanilang napakahalagang papel sa pagpapaunlad ng Batanes at katiyakan ng pagkain.

Samantala, nagkaroon din ng pag-uusap sa pagitan ni Governor Marilou H. Cayco at ng mga mangingisda kung saan ilan sa mga napag-usapan ang patungkol sa dredging o pagpapalalim ng mga fishports at pagkakaroon ng mga karagdagang mga hand-held radios na siya namang gagawan ng paraan ng lokal na pamahalaan. (OTB/CEB/PIA Batanes/Photos from PGB)