LUNGSOD NG LUCENA, Quezon (PIA)– Hinimok ni National Meat Inspection Service (NMIS) 4A Regional Technical Director Dr. Orlando C. Ongsotto sa idinaos na Kapihan sa PIA Quezon noong Nobyembre 9 ang publiko na bumili ng karne sa maayos na palengke at iba pang tindahan ng karne na sumusunod sa patakaran ng NMIS at ng mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay Dr. Ongsotto, ang Class Double A ay ang uri ng slaughterhouse na sumunod sa patakaran ng NMIS na dito ay makakaasa ang publiko ng maayos na pagkatay ng hayop.
Sinabi ni Ongsotto na may 15 bayan at lungsod sa CALABARZON ang mayroong Class Double A slaughterhouses at dalawa dito ay nasa bayan ng Gumaca at Pagbilao sa Lalawigan ng Quezon.
“Mapapatawan po ng kaukulan parusa ang mga nagtitinda ng karne na lalabag sa mga ipinag-uutos o patakaran ng NMIS at ng mga lokal na pamahalaan ukol sa tamang pagtitinda ng karne”.
Samantala, nasa proseso na din ang aplikasyon ng bayan ng Tiaong at Lucena City upang maging Class Double A din ang kani-kanilang slaughterhouse.
Ang NMIS-4A ay nasa ilailim ng Kagawaran ng Pagsasaka kung saan isa sa mga pangunahing mandato nito ay magpatupad ng mga batas o regulasyon at mga programa upang masiguro na ligtas ang mga mabibiling karne ng mga mamimili at katuwang ng NMIS ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga batas. (RMO/PIA Quezon)