LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Ginawaran ng Gawad Galing Barangay 2022 ng Kapitolyo ang tatlong barangay sa Baliwag at dalawang barangay sa Marilao.
Pinangunahan ni Senador Christopher Lawrence Go ang pagpaparangal sa mga barangay ng Bagong Nayon, Pinagbarilan at Tarcan sa Baliwag at mga barangay ng Lambakin at Loma de Gato sa Marilao sa kategoryang may Natatanging Gawaing Pambarangay.
Binigyang diin niya na ang paglilingkuran nang direkta sa mga mamamayan sa mga sitio at nayon, ay isang pagsukat na hindi dapat magsawa na magmahal at magmalasakit sa kapwa.
Nangunguna sa listahan ng limang pinarangalan ang Barangay Loma de Gato sa bayan ng Marilao dahil nakuha rin nila ang kategoryang Natatanging Punong Barangay sa katauhan ni Kapitan Ma. Lourdes San Andres.
Sumentro ang mga proyekto at programa ng Pamahalaang Barangay ng Loma de Gato sa pamamagitan ng paglalapit sa tao ng mabuting pamamahala.
Patunay dito ang pagpapatayo ng dalawang Barangay Hall extensions upang mas maabot ang mga naninirahan dito na nasa malalayong lugar.
Kakambal nito ang dalawa ring extension ng mga Health Centers na may mga kawani na handing gumamot, tumulong at kumalinga sa oras ng pangangailangan. Iba pa rito ang tiyak na suplay ng pangunahing mga gamot.
Pumasok din sa isang kasunduan ang pamahalaang barangay na ito sa isang punenarya upang makatuwang sa pagkakaloob ng libreng funeral service sa mga mahihirap na taga-Loma de Gato na namatay.
Pinarangalan din bilang Natatanging Kalihim ng Barangay si Barangay Secretary Vanessa Karla Endaya ng Loma de Gato dahil sa sistematikong pagsisinop at organisadong mga dokumento ng pamahalaang barangay.
Ang agarang pagkakatanggal naman ng mga lubak sa mga kalsada sa barangay Lambakin sa bayan din ng Marilao, ang nagbunsod upang gawaran bilang Natatanging Gawaing Pambarangay ang Barangay Lambakin.
Kasabay nito ang mahigpit na pagpapatupad sa segregasyon ng mga basura at regular na paglilinis ng mga kanal. Nagresulta ito upang matugunan ang noo’y matagal nang problema sa pagbabaha.
Sa Baliwag, ang 2021 Top Performer Barangay on Environmental Compliance Audit ng Department of the Interior and Local Government sa Gitnang Luzon na barangay Pinagbarilan ang itinanghal na Natatanging Barangay sa Gawaing Pambarangay.
Ito’y dahil sa istriktong pagpapatupad sa Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act kung saan napakilos ang lahat ng sektor at napasunod ang mga malalaking establisemento at karaniwang mga bahayan, sa paghihiwalay ng mga basurang nabubulok at hindi nabubulok.
Dahil sentro ang kalinisan at pangangalaga sa kapaligiran sa programa ng pamahalaang barangay, nagbunga pa ito ng iba pang proyekto mula sa mga naibentang basura na uubra pang pakinabangan.
Kaya naman noong kasagsagan ng pagtama ng pandemya, nakapagmahagi ang Pamahalaang Barangay ng Pinagbarilan ng mga prepaid WiFi Kits sa mga mag-aaral sa online classes.
Gayundin ang pagbibigay ng libreng printing para sa mga modules ng mga mag-aaral at guro.
Iba pa rito ang pagpapatayo ng isang gusali para Early Childhood Care Development sa pamamagitan ng Public-Private Partnership.
Ang Barangay Tarcan sa Baliwag ay isa ring Natatanging Gawaing Pambarangay, dahil ginamit nito ang mga proyekto at programa para sa kalinisan upang makapagdagdag ng kita ng mga kabarangay.
Pangunahin dito ang pagtatayo ng isang Palit-Basura Store ng Pamahalaang Barangay ng Tarcan, kung saan ang mga karaniwang mga taga-barangay ay uubrang magpapalit ng mga basurang papakinabangan bilang pera.
Ang maiipong nabiling mga basura ay muling ipagbibili ng pamahalaang barangay. Inilaan ang kinita bilang pandagdag sa programang scholarship nito.
Nagresulta ang inisyatibong ito sa pagbaba ng residual wastes ng barangay na dinadala sa transfer station.
Sa paggagawad bilang Natatanging Gawaing Pambarangay sa Barangay Bagong Nayon sa Baliwag ay isang pagkilala sa malaking political will na ipinamalas nito.
Ito ang epektibong pakikipagtulungan ng pamahalaang barangay sa Pamahalaang Bayan ng Baliwag upang mailipat ang mga informal settlers mula sa iligal na paninirahan sa mga gilid ng patubig o irigasyon.
Nai-convert ang dating bahayan bilang pook pasyalan kung saan napapanatili ang kalinisan kumpara noon na laging puno ng mga basura.
Sinabayan ito ng Bayanihan sa Bakuran kung saan nagpagandahan ng mga bakuran ang mga magkakapitbahay na nagresulta sa pagkakaisa ng isang maganda, malinis, maayos at maaliwalas na barangay.
Kaugnay nito, pinapurihan ni Gobernador Daniel Fernando ang mga nagsipagwagi ng iba’t ibang parangal sa ilalim ng Gawad Galing Barangay na pinapatunayan lamang nito na marami ang nagbibigay ng isang matapat, epektibo, gumaganap ng totoo at may mataas na antas ng paglilingkod.
Samantala, iniulat naman ni Bise Gobernador Alexis Castro na nirerepaso na ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan ang isang panukalang ordinansa na magbibigay ng insentibo sa mga kawani at opisyal sa barangay na naglingkod at nanungkulan ng tatlong termino.
Kalakip nito ang pagrereporma sa kwalipikasyon sa pagiging isang barangay tanod at pag-uubliga na magsagawa ng pagronda sa loob ng 24 oras. (CLJD/SFV-PIA 3)