No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Alcala, Choo nanguna sa 70.3 Ironman PH sa Puerto Princesa

PUERTO PRINCESA, PALAWAN, (PIA)­ — Nasungkit ng 28 anyos na triathlete mula Digos City na si John de Deus Alcala na kabilang sa Tri-SND Barracuda Team na nakabase sa Lanao Del Norte ang overall-age group male top finisher sa isinagawang 70.3 Ironman Philippines sa Puerto Princesa City noong Nobyembre 13.

Batay sa opisyal na talaan, kaniyang natapos ang 1.9-km swimming course, 90-km bike course at 21-km run course sa apat na oras at tatlumpu’t dalawang minuto at dalawampung segundo na siyang dahilan para kaniyang maiuwi ang P150,000 na gantimpala mula sa Pamahalaang Panglunsod ng Puerto Princesa.

Ayon kay Alcala, unang beses pa lang niya na tanghaling overall top finisher sa triathlon event kaya hindi siya makapaniwala.

“Sa bike naman solong-solo ako tapos akala ko hindi ko kayang magsolo kasi minsan sa mga training ng mga teammates ko naiiwan ako kaya pacing lang at tiwala sa panginoon,” saad ni Alcala.

Pumangalawa kay Alcala si Mervin Santiago ng Team Sante Barley na natapos ng apat na oras, tatlumpu’t pitong minuto at dalawampu’t tatlong segundo at pumangatlo ang kaniyang teammate na si Jailani Lamama na natapos ng apat na oras, tatlumpu’t siyam na minuto at apatnapu’t anim na segundo. 

Samantala, itinanghal naman na overall age-group female top finisher si Ling Er Choo na mula sa bansang Singapore na natapos ang karera ng apat na oras, limampu’t pitong minuto at apatnapu’t anim na segundo. Maiuuwi ni Choo ang P150,000 na gantimpala mula pa rin sa Pamahalaang Panglunsod. Kasunod naman ni Choo si Leyann Ramo na natapos ng limang oras, labinwalong minuto at limampu’t tatlong segundo habang pangatlo si Mieko Carey ng Guam na natapos ng limang oras, labingsiyam na minuto at limampu’t tatlong segundo.

Itinanghal naman na pinakamabilis sa lahat ng age group sa swimming course sina Iñaki Lorbes at Raven Faith Alcoseba para sa babae kung saan tumanggap sila ng tig-P25,000 mula sa Puerto Princesa Water Reclamation and Learning Center.

Nasa 1,221 ang lumahok na atleta sa kauna-unahang international triathlon event sa Puerto Princesa City. (MCE/PIA MIMAROPA)

About the Author

Michael Escote

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch