No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mga oportunidad sa pangangalaga ng kalabaw, ibinahagi

LUNGSOD AGHAM NG MUÑOZ (PIA) -- Ibinahagi ng Philippine Carabao Center o PCC ang maraming oportunidad sa pangangalaga ng kalabaw sa idinaos na ika-walong National Carabao Conference.
 
Nananatiling hangarin ng ahensya na mapataas ang produksyon ng gatas ng kalabaw sa buong bansa kasabay ang pagpapataas sa kita ng mga magsasaka at pagkakaroon ng oportunidad sa pangkabuhayan ng pamilyang Pilipino.
 
Sinabi ni PCC Executive Director Liza Battad na kailangang patuloy na magkaisa upang maisakatuparan ang layuning umunlad ang kabuhayan hindi lamang ng mga magsasaka kundi ng lahat ng nakikinabang sa pag-nenegosyong salig sa kalabaw.
 
Ipinaliwanag din ni Battad ang mga nakapaloob sa Carabao Development Program na tinututukan ng ahensya kabilang ang hangad na dumami ang genetically-improved buffaloes na mapagkukuhanan ng gatas, karne at draft power na kailangan sa mga gawain sa bukid.
 
Kung pagbabatayan ang datos ay mayroon ng 2.74 milyong kalabaw sa buong Pilipinas, na ang pinakamalaking porsyento ay mula sa Central Luzon, Bicol at Western Visayas.
 
Tinututukan din ng PCC na mapataas ang antas ng pagnenegosyo ng mga maggagatas partikular sa ilalim ng programang Carabao-Based Enterprise Development. 
 
Ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Education at Department of Social Welfare and Development ay direktang bumibili ng gatas sa mga kooperatibang tinutulungan ng PCC.
 
Ayon pa kay Battad, gampanin ng PCC na tulungang umunlad ang mga nagnenegosyong salig sa kalabaw upang magsilbing modelo ng mga nais ding magsimula sa industriya.
 
Dapat ding pahalagahan ang pag-angat ng local fresh milk production o ready-to-drink milk sa buong bansa, na batay sa huling datos ay umangat na sa 24.1 porsyento kumpara sa mga nagdaang taon na nasa 11 porsyento.
 
40.7% ng mga na-produce ng ready-to-drink milk sa bansa ay mula sa kalabaw na kakayanin pang tumaas sa pamamagitan ng tamang pangangasiwa sa hanapbuhay.
 
Ayon naman kay PCC Deputy Executive Director for Administration and Finance Caro Salces, marami pang aabangang  oportunidad sa industriya ng pagkakalabaw mula sa mga programang inilulunsad ng ahensya na totoong nakatutulong sa mga magsasaka at sa kabuuan ng industriya.
 
Kabilang dito ang hangaring mapahaba ang implementasyon ng milk feeding program, madagdagan ang binubuksang dairy box na nagsisilbing commercial market at pinapatakbo ng mga kooperatiba, at makilala ang mga lalawigang may malaking kontribusyon sa produksiyon ng gatas ng kalabaw partikular ang Nueva Ecija na hangad maging dairy capital ng bansa.
 
Tampok din sa okasyon ang pagkilala sa husay ng mga natatanging magkakalabaw, kooperatiba at ang kanilang mga kwento ng tagumpay at pagbangon na kabalikat ng PCC sa pagsusulong ng industriya. (CLJD/CCN-PIA 3)
 

Idinaos ng Philippine Carabao Center ang ika-walong National Carabao Conference bilang pagpupugay sa lahat ng mga sumusuporta sa sektor ng pagkakalabawan. (Philippine Carabao Center)

About the Author

Camille Nagaño

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch