No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Christmas Village sa Calamba, pinasinayaan

LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna (PIA) — Ramdam na ang diwa ng Pasko sa lungsod ng Calamba matapos pasinayaan at pailawan ang mga Christmas display at Christmas lights sa Jose Rizal Plaza at Calamba City Hall nitong Nobyembre 15.

Tampok sa Christmas Village ang mga kumukuti-kutitap na Christmas lights, nagtataasang Christmas tree, mga makukulay na parol na pawang gawa sa mga lokal na materyal.

Tuwing 30 minuto ay mayroon ding Christmas show kung saan bida ang life-sized at animatronic na Belen na naglalarawan ng tunay na diwa at mensahe ng Kapaskuhan.

Kumpleto ang Jose Rizal Plaza ng mga food stalls na inaasahang magbibigay ng dagdag kita para sa mga negosyo, at mga carnival rides para sa mga chikiting.

Pinangunahan ni Mayor Roseller Rizal, Vice Mayor Angelito Lazaro, Calamba City Lone District Rep. Cha Hernandez-Alcantara at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ang pagbubukas ng mga makukulay na pailaw.

Ayon kay Mayor Rizal, ang pagpapailaw ng mga Christmas display ay nagsisilbing simbolo ng pag-asa, kasaganaan, kasiyahan, at pagbangon ngayong Kapaskuhan matapos ang dalawang taong pandemya.

Inanunsyo ni Rizal ang iba pang mga proyekto ng pamahalaang lungsod kagaya ng pamamahagi ng libreng Noche Buena package sa higit 170,000 pamilya sa lungsod.

Magiging door-to-door aniya sa bawat barangay ang pamamahagi ng mga Noche Buena package upang masigurong lahat ng pamilya, mapa-mayaman o mahirap, ay mabibiyayaan ng tulong mula sa LGU.

Isa rin sa mga proyekto ng Calamba LGU ang pagpapakain sa mga pamilyang kapos sa buhay.

"Kada linggo ay pipili [tayo] ng maraming pamilya na bibigyan natin ng pagkakataon na magsasalo-salo sa mga participating local restaurants natin dito at sa pagce-celebrate ng Kapaskuhan."

Siniguro ni Rizal na magiging masaya ang selebrasyon ng Pasko ng bawat isa sa gagawing gabi-gabing programa sa Jose Rizal Plaza at Old City Plaza kung saan magtatanghal ang iba't-ibang mga eskwelahan at organisasyon.

Hinikayat ng alkalde ang bawat isa na bisitahin ang Christmas Village at makisaya sa mga inihandang proyekto ng lungsod.

"Sa atin pong mga kababayan dito sa Calamba, umpisa na po ng ating Christmas Saya dito sa Calamba. Simula po ngayon, hanggang sa buwan ng Disyembre. Inaanyayahan po namin kayo na pumunta po kayo dito, makiisa at mag-celebrate, mag-enjoy din po tayo."

Muli pa ring ipinapaalala ni Mayor Rizal na sundin pa rin ang ilang minimum health standards upang manatiling ligtas at malusog ang pagdiriwang ng Kapaskuhan.

Bisitahin ang Calamba Christmas Village sa Jose Rizal Plaza, Calamba City Hall Complex, Real, Calamba City. (CH/PIA-Laguna)

Giant Christmas tree sa Jose Rizal Plaza, Calamba City (MBIL/PIA-4A)

About the Author

Christopher Hedreyda

Region 4A

Provincial Information Center Manager, PIA Laguna

Feedback / Comment

Get in touch