VICTORIA, Laguna (PIA) — Naging makulay, masigla at masaya ang pagdiriwang ng ika-73 Town Anniversary at ika-21 Itik Festival ng bayan ng Victoria nitong Nobyembre 15.
Tema ng selebrasyon ngayong taon ay “Sumusulong na Victoria, lumalaban kahit pandemya. Makiindak at makisaya sa bayang puno ng Pag-asa”.
Ang Victoria ay itinatag noong Nobyembre 15, 1949 sa bisa ng Executive Order No. 282 ni dating Pangulong Elpidio Quirino. Hango ang pangalan ng bayan sa anak ni Pangulong Quirino na si Victoria Quirino. Ito ang pinaka-bagong bayan sa lalawigan ng Laguna.
Sa apat na araw na aktibidad sa taong ito, itinampok ang mga ilang mga aktibidad kagaya ng drag racing, Mobile Legend tournament, motorcade, color fun run, mural painting, at Ginoo at Binibining Victoria 2022 pageant.
Highlight ng selebrasyon ang Duck Fest Cooking Contest kung saan nagtagisan sa pagluluto ang mga kalahok ng iba’t-ibang masasarap na recipe na gawa sa itik.
Dinumog naman ng makapal na tao ang makulay na Street Dancing Competition na nilahukan ng kinatawan ng bawat barangay at mga kawani ng lokal na pamahalaan.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Victoria Mayor Dwight C. Kampitan, M.D. ang mga mamamayan ng bayan sa mainit na suporta at pakikiisa sa lahat ng gawain kaugnay ng pagdiriwang ng anibersaryo ng bayan at ng Itik Festival.
Ayon sa alkalde, ang kaligayahan ng mga taga-Victoria ang nagiging inspirasyon niya at ng pamahalaang bayan upang magpatuloy sa pagpapatupad ng magagandang proyekto na pakikinabangan ng taong-bayan.
Nagpaabot naman ang Victoria LGU ng mga food cart at pinayagan ang mga manininda na makapwesto sa tabi ng plaza ng libre bilang pagtugon sa kahilingan ng mga vendors at upang makapagbigay ng dagdag-kita sa mga ito. (CCM/PIA-4A)