No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

City Treasurers Office nagpaalala na bayaran na ang mga ari-ariang hindi natitinag

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Nagpaalala si Puerto Princesa City Treasurer Officer Jerome M. Padrones sa mga magbabayad ng buwis ng kanilang mga ari-ariang hindi natitinag para sa taong 2022 na magbayad na habang hindi pa deadline.

Ayon kay Padrones, kapag hindi kasi nakapagbayad kaagad ay magkakaroon ito ng 2% na multa sa bawat buwan. Aniya ang mga nais namang magbayad ng advance para sa 2023 real property tax ay makakakuha ng 20% na diskwento.

Ipinapaalam niya rin na kahit ang mga “idle lands” o mga lupaing hindi produktibo ay may buwis na 1% sa pagtatasang halaga o “assessed value” nito. Maaari aniyang magbayad ng kanilang buwis sa pamamagitan ng online at magtungo lamang sa website na www.puertoprincesa.ph para sa proseso. Maaari ring tumawag sa telepono bilang 717-8027 kapag may katanungan.

Samantala, kinumpirma rin ng City Treasurer's Office ng Pamahalaang Panlunsod ng Puerto Princesa na umaabot pa lamang sa P95,779,998.55 ang nakokolektang buwis mula sa mga ari-ariang hindi natitinag mula Enero hanggang Oktubre ng kasalukuyang taon. Target ng lokal na pamahalaan na makalikom ng P275M buwis para sa 2022.

Matatandaang noong 2021 nakakolekta ng P222,768,989.94 sa real property taxes. Ang buwis ay mahalagang mabayaran sapagkat dito kinukuha ang pondo para sa pagsasakatuparan ng mga proyekto at programa sa siyudad. (MCE/PIA MIMAROPA)

About the Author

Michael Escote

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch