Nagbigay naman ng ilang updates si Office of the Presidential Adviser on Peace Reconciliation and Unity (OPAPRU) Southern Luzon Area Manager Paul Escober hinggil sa estado ng Localized Peace Engagement (LPE) at ELCAC. Aniya, nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na iagpatuloy ang mga napagtagumpayan ng Executive Order No. 70.
Sa datos na ibinahagi ni OPAPRU Souther Luzon Area Manager Escober, patuloy ang pagbaba ng bilang ng armed conflict.
Mula aniya sa bilang na 89 na Guerilla Fronts noong 2016, bumaba na lamang ito sa 24. Lima sa mga ito ay aktibo at mula sa Samar at South Cotobato. Humina rin aniya ang hanay ng Communist Terrorist Group manpower mula sa bilang na 3,711 ay naging 2,112 na lamang ito. Sa kasalukuyan, may sumuko namang 26,414 na CTG rebels sa pamahalaan. Patunay lamang aniya ng epektibong kampanya ng pamahalaan kontra terorismo.
Dagdag pa nito, magkakaroon ng ilang pagbabago sa programang E-CLIP; kung dati aniya ay naka sentro lamang sa mga pamilya at former rebels ang naturang programa, ngayong sa pamamagitan ng Transformation Program, kasama na sa pagbabago ang lahat ng nasa komunidad na apektado ng insurhensiya. Sa pamamagitan nito aniya ay magiging wholistic ang pamamaraan ng naturang programa.
Sinabi rin nito na halos 90 porsyento ng mga rebelde sa isla ng Mindoro ay binubuo ng mga IP Mangyan, kung kaya’t sila ang mas dapat pagtuunan ng pansin ng mga iba’t-ibang sangay ng gobyerno. Ang isyu ng lupain ang ginagamit ng mga makakaliwang grupo bilang rason sa paghihikayat sa mga katutubong Mangyan. Isa sa nakikita nilang epektibong paraan upang mabawasan ang bilang ng insurhensiya sa grupo ng mga katutubo ay ang malawakang pagkakaloob ng Certificate of Ancestral Domain Land Title (CADT).
Samantala, ipinakilala at ipinaunawa sa mga dumalo ang mga programang maaari nilang makuha sa pamahalaan at ang mga benepisyo nito. Kabilang sa mga naglahad ng programa at serbisyong may kaugnayan sa mga nagbalik-loob ang mga ahensiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), National Housing Authority (NHA), Provincial Agriculturist Office (PAGO), PHILHEALTH, Philippine Statistics Authority (PSA), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Nagkaloob naman ng P20,000 Livelihood Assistance ang pamunuan ng DSWD sa mga benepisyaryong former rebels.
Magkakaroon naman ng pagbabalangkas ng mga plano sa ikalawang araw ng gawain matapos ang pagtukoy ng mga isyu at pangangailangan ng mga former rebels sa group discussion. (JJGS/PIA MIMAROPA)