LUNGSOD NG BATANGAS (PIA)—Nagsagawa ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng serye ng Information Carawan sa iba’t-ibang sektor sa lalawigan ng Batangas na ginanap sa Provincial Auditurium sa lungsod na ito simula Nobyembre 22 hanggang 25.
Sa unang araw ng caravan ay isang media briefing na dinaluhan ng mga local media at mga Information Officers ng mga lokal na pamahalaan sinundan ito ng public information campaign sa mga miyembro ng academe kung saan tinalakay ang polymer banknote at mga usapin kaugnay ng fraud at scams.
Nakatakda namang isagawa ang sunod na serye bukas, Nobyembre 24 sa mga kinatawan sa sector ng agrikultura, transport groups, market vendors at turismo kung saan tatalakayin ang polymer banknote at Financial Education habang sa sector ng mga MSMEs, consumer groups at kinatawan ng DTI Batangas ay tatalakayin ang Digital Payments and Paleng QR Ph.
Sa Nobyembre 25 ay nakatakda ding isagawa ang parehong caravan kung saan inaasahang dadalo naman ang mga BPLOs, Municipal Treasurers, Brgy. Captain/Treasurers, kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas at Department of Interior and Local Government.
Ayon kay Jose Ruperto Almeda Jr., BSP Senior Research Specialist, ang BSP lamang ang may solong kapangyarihan upang makapag-imprenta at magbahagi ng coins at banknote na magsisilbing “legal tender” na nakasaad sa RA 7653 o The New Central Bank Act na inamyendahan ng RA 11211.
Aniya, ang Polymer Piso o bagong 1000 piso na inilabas ng BSP ay mas mahirap gayahin ng mga gumagawa ng counterfeit money, mas malinis at mas matibay kumpara sa dating banknote na inilabas.
Ibinahagi din dito ang iba’t-ibang katangian nito kabilang ang metallic features, tactile dots, shadow thread, enhanced value panel, serial numbers at iba pa na kabilang sa 1st level security features habang nasa 2nd level naman ang maaaring makita sa pamamagitan ng ultraviolet at magnifying lens.
Samantala, tinalakay naman ni Paulette Gay Menguilla, BSP Acting Bank Officer II ang mga bagay na may kaugnayan sa fraud at scams upang makaiwas na maging biktima nito.
Aniya, iba’t-ibang uri ang fraud kung saan mayroong card replacement, card cloning at ATM skimming na nagiging sanhi ng identity theft na siyang pangunahing dahilan ng mga fraudulent transactions.
Tinalakay din nito ang iba’t-ibang uri ng identity theft tulad ng phishing, vishing, SMishing, Shoulder Surfing, dumpster diving at Spoofing gayundin ang mga uri ng scams kabilang ang text scams, unexpected money scam, romance scam, threat extortion scam, donation charity scam, travel trouble scam, job offer scam at unexpected prize scam.
Sa huli ay nagpaalala si Menguilla na dapat maging “vigilant” ang bawat isa upang maiwasan na maging biktima ng masasamang loob at dapat ay sa mga lehitimong financial institutions lamang magsagawa ng mga transaksyon. (MDC/PIA-Batangas)