PUERTO PRINCESA, PALAWAN, (PIA) -- Naging matagumpay ang isinagawang Dagyaw/Tarabidan 2022 Open Town Hall meeting sa MIMAROPA noong November 29, 2022 na ginanap sa City Coliseum, Puerto Princesa City sa pagtutulungan ng Department of Interior and Local Government (DILG) MIMAROPA, Department of Budget and Management (DBM) MIMAROPA, Philippine Information Agency (PIA) MIMAROPA, Civil Society Organizations at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Tinalakay sa pagpupulong ang Usapin sa Enerhiya: Brownout at ang Potensyal na benepisyo ng Renewable Energy. Sa talumpati ni DILG Regional Director Karl Caesar Rimando na binasa ni Assistant Regional Director Rey S. Maranan ay sinabi niya na ang pangunahing layunin ng aktibidad ay para magsama-sama ang gobyerno at mga mamamayan upang mapalago ang tiwala nila sa isa't-isa sa pamamagitan ng pagbibigay ng bukas, walang kinikilingan at ligtas na espasyo para sa dayalogo o paguusap patungkol sa mga isyu sa lokal na libel o nasyonal na kinakaharap natin sa kasalukuyan.
Sa programa ay ibinahagi ni Engr. Isak Jonathan V. Villanueva, OIC-Renewable Energy Development Division ng National Electrification Administration (NEA) na ang layunin ng kanilang tanggapan ay ang pagpapailaw ng mga kanayunan nang napapanatili sa pamamagitan ng paggamit ng renewable energy tulad ng solar o enerhiya mula sa araw, geothermal, hangin at dagat.
Mahalaga aniya ito dahil ang elektrisidad ngayon sa bansa ay nakadepende sa panggatong na “coal” kaya mahal ang kuryente at kunti lamang ang mula sa mga renewable energy sources. Ang kanilang plano aniya na inaasahang magagawa sa susunod na taon ay ang Electric Cooperative (EC)-owned Renewable Energy Embedded Generation Facility o pagmamay-ari ng kooperatiba na gumagamit ng renewable energy sa paglikha ng elektrisidad na nakalagay mismo sa distribution system ng mge electric cooperative. Sa pamamagitan nito ay magkakaroon ng magandang kalidad, murang kuryente, base sa tamang pagaaral at maaasahang kuryente.
Iprenisinta naman ni Engineer Larry I. Sabelina, Vice President, Small Power Utilities Group (SPUG) ng National Power Corporation (NAPOCOR) ang Power Supply and Demand sa bawat probinsiya ng MIMAROPA, kanilang mga accomplishments ngayong taon, mga dahilan ng pagkawa ng daloy ng kuryente at kanilang mga plano sa susunod na taon tulad ng paglalagay ng sampong (10) diesel power plant sa Northern at Southern Palawan para ang hindi pa nakakatikim ng kuryente ay makakakuha na.
Samantala, tinukoy naman ni Engineer Rogelio G. Baylon ng Palawan Electric Cooperative (Paleco) na kanilang mga inirerekomendang short term at long term solution sa problema sa kuryente sa probinsiya ng Palawan. Kabilang sa short term plan ay ang pagsasagawa ng regular na thermal scanning, paggamit ng insulted wires at marami pang iba. Sa long term solution naman ay maglalagay sila ng 2x25 MVA 69/13.8kV sa poblacion area ng Puerto Princesa City sa taong 2023 at ilan pang mga substation. May proyekto rin aniya silang renewable energy, sa katunayan ay kaka-award lang ng 20MV power sa kompaniyang SI Power Corporation para sa Palawan Main Grid kung saan kombinasyon ng solar at conventional energy ang gagamitin. Tiniyak niya rin na ginagawa nila ang lahat ng paraan para maiwasan ang pagkakaroon ng mga hindi inaasahang pagkawala ng daloy ng kuryente.
Bilang tugon sa mga presentor, sinabi ni Atty. David Chaim R. Meregillano, Pangulo ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) Palawan Chapter, na mahalaga ang pagkakaroon ng maasahang enerhiya sa Palawan lalo na ngayong muling nagbukas na ang turismo na siyang “life blood” ng negosyo sa probinsiya at interesado ang business sector sa paglipat sa renewable energy dahil sa mataas na bayarin sa enerhiya at elekrisidad sa Palawan habang sinabi naman ni Atty. Maria Nenette Q. Encarnacion ng Soroptimist International Palawan na sa usapin ng enerhiya, ang apektado masyado ay ang mga kakabaihan dahil sa mga bahay ang pinakamalaking gumagamit ng enerhiya ay mga kababaihan. Nagpaalala rin siya na ang mga mamayan ay may tungkulin rin na pangalaganan ang ating gubat, hangin at tubig dahil hindi rin magiging matagumpay ang pagkakaroon ng renewable energy kung hindi gagampanan ng mga tao ang kanilang tungkulin.
Sa huli ay nagkaroon ng pagkakataon ang mga partisipante na makapagtanong sa mga inimbitahang bisita . Dumalo rin sa gawain si Narra Mayor Gerandy Danao, mga miyembro ng iba't-ibang Sangguniang Bayan, ang mga opisyal ng Barangay sa Puerto Princesa City at Lalawigan ng Palawan, kinatawan mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at Pamahalaang Panlunsod at iba pang ahensiya ng pamahalaan. (MCE/PIA MIMAROPA)