Isa sa mga pinarangalan sa nakalipas na Search for Outstanding Volunteers ay ang Philippine Adventist Medical Aviation Services (PAMAS), Inc. na tumutulong na madala sa mga ospital o clinic ang mga indbidwal na nasa malalayong lugar na nangangailangan ng agarang atensyong medikal. (Larawan mula NEDA Mimaropa)
LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Isinagawa noong Nobyembre 29 ang 2022 Search for Outstanding Volunteers kung saan kinikilala ang mga indibidwal at mga grupo na may malaking ambag hinggil sa pagtulong sa kapwa. Pinangunahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) MIMAROPA ang naturang gawain na may temang “Volunteer Now, Spark Hope, Create Solutions and Respond to Pandemic Challenges.”
Bahagi ang gawain bilang selebrasyon ng 2022 National Volunteer’s Month. Para ngayong taon, tatlong kategorya ang pinaglabanan ng mga indibidwal at organisasyon upang tangjalin na Outstanding Volunteers. Una ay ang Individual Youth category, pangalawa ang Individual-Adult category, at ang panghuli ay ang Non-Profit Organization category.
Para sa Individual Youth Category, nakamit ni Carmela Bautista ang patimpalak dahil sa angkin nitong malasakit sa pagtulong sa mga kabataan at mga katutubo. Ilan lamang sa naisagawa nitong mga tulong ay ang ang pagkakaloob ng solar power technology sa mga indigenous communities sa Oriental Mindoro kung saan 150 IPs ang nakinabang. Nanggaling ang pondo para sa naturang gawain sa pamamagitan ng sponsorship at donations.
Samantala, nakamit naman ni Abigail Pabro ang award sa Individual-Adult category kung saan sumentro ang kaniyang mga gawain sa mga sektor ng edukasyon at kalusugan. Ilan lamang sa kaniyang mga katangi-tanging proyekto ay ang Surat Mangyan Project kung saan namahagi ito ng mga school supplies sa mga katutubo na napikanabangan ng 3,000 mahigit na IPs.
Nakamit naman ng Philippine Adventist Medical Aviation Services (PAMAS), Inc. ang Non-Profit Organization Outstanding Volunteer award dahil sa pagkakaloob nito ng serbisyong panghimpapawid sa mga vulnerable groups na nasa malalayo at liblib na lugar sa Palawan. Sa pamamagitan ng serbisyo ng PAMAS, nadadala ang mga mamamayang nangangailan ng agarang serbisyong medikal sa mga ospital. Bukod sa air ambulance services ng mga ito, nagkakaloob din ang mga ito ng medical at dental missions sa mga mamamayan sa kabundukan, gayundin, nagtatayo rin ang mga ito ng mga paaralan sa mga kabundukan na tiyak na kapapakinabangan ng mga kabataan.
Naging malaki naman ang pasasalamat ng mga nakatanggap ng naturang mga parangal sa lahat ng mga bumubuo ng SOV 2022. Anila, mas lalo pa nilang pag-iigihan ang kanilang nasimulang gawain para sa benepisyo ng mga indibidwal sa mga komunidad na kanilang napiling tulungan. Gayundin, upang maikintal sa mga mamamayan ang kahalagahan ng pagtulong sa kapwa. (JJGS/PIA MIMAROPA)
Larawan sa pinakataas na bahagi, mula NEDA Mimaropa.