No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mga natapos na proyekto sa mga liblib na barangay ibinida sa Bicol DAGYAW 2022

LUNGSOD NG LEGAZPI (PIA)-- Ibinida sa ginanap na Bicol DAGYAW 2022 Open government Regional Townhall meeting nitong ika-26 ng Nobyembre  ang mga natapos na at mga nagpapatuloy na mga programa at proyektong naisakatuparan sa ilalim ng Support to Barangay Development Program (SBDP) batay sa mandato ng Executive Order number 70 o ang Ending Local Communist Armed Conflict o ELCAC.

Pinangunahan ni Regional Director Arnaldo E. Escober Jr. ng Department of the Interior and Local Government  ang aktibidad na ginanap sa SM City Legazpi sa unang pagkakataon sa rehiyon kasunod ng pagluwag sa mga paghihigpit sa mga pagtitipon dahil sa Covid-19 pandemic.

Katuwang ng DILG sa pagtanghal ng palatuntunan ay ang mga  tanggapan ng Deparment of Budget and Management Region 5 sa pamumuno ng kanilang Regional Director na si Bb. Edna Cynthia S. Berces at ang Philippine Information Agency Region 5 na pinangangasiwaan ngayon ni Benilda A. Recebido.

Ibinahagi ni Alkalde Romeo Gordola ng bayan ng Bulan sa lalawigan ng Sorsogon ang kanyang pasasalamat sa mga proyekto ng SBDP sa 35 na barangay sa kanyang bayan. Nangako  ito na ipagpapatuloy niya ang mga programang ito.

Tampok sa naganap na dayalogo ng Bicol-DAGYAW ang “Istorya nin Pagtabang ( Kwento ng Pagtulong), “ Istorya nin Paglaom” ( Kwento ng Pagasa) at “ Istorya nin Kauswagan” ( Kwento ng Kaunlaran). Ang mga tampok na paksa ay naging daan upang higit na maunawaan ng mga manonood ang mga magagandang benepisyo ng SBDP sa buhay ng mga nasa barangay.

Ayon sa datus ng DILG 5, sa P980 million na inilaan na pondo ng Enhanced Barangay Development Program sa Bicol, 49 na mga barangay ang nabiyayaan ng 20 miilion bawat isa. Umabot saa 164 na proyekto ang naisakatuparan at ang lalawigan ng Sorsogon ang may 16 na barangay ang nakinabang, 25 naman sa Masbate at 8 sa Camarines Norte.

Nagkaroon ng karagdagang mga proyekto sa Bicol nitong 2021 at ito ay kinabibilanagan ng 83 farm to market roads na may habang 50 kilometro, 31 water and sanitation systems, 17 health stations, 14 rural electrification projects, 7 school buildings, 5 livelihood projects  at 7 pagkakataon na nagkaroon ng pamamahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS.

Sa taong 2022, umabot sa 280 mga barangay sa Rehiyon ng Bicol ang nabiyayaan ng mga proyekto ng SBDP mula sa kabuohang 1.2 Billion pisong alokasyon ng pondo ng SBDP sa rehiyon.

Sa naturang pulong bayan din ay nagkaroon ng mga pagpapahayag ang ilan sa mga opisyales ng mga barangay ng kanilang saloobin sa mga kinakaharap na mga suliranin sa kanilang mga barangay. nagkaroon din sila ng pagkakataon na maisangguni ang mga suliraning ito sa mga imbitadong opisyal ng pamhalaan.

Samantala, isang pagpapakita o exhibit ng mga natapos ng mga proyekto ng SBDP ang naging tampok sa naturang okasyon. Ipinakita ang mga nakalaang mga proyekto sa bawat lalawigan at mga natapos na proyekto sa pamamagitan ng isang miniature o pinaliit na mga replica ng mga proyektong nagawa na sa ilalim ng SBDP sa bawat lalawigan sa rehiyon.

Sa pagtapos ng dayalogo, sinabi ni Escober na matagumpay itong naidaos sa pamamagitan ng face to face at online at umaasa siya na mas marami pang mga proyekto ng SBDP ang matatapos ngayong darating na taon.

Ang salitang DAGYAW ay isang katutubong salitang Hiligaynon na ang ibig sabihin ay “Bayanihan.” (PIA 5)

About the Author

Marlon Atun

Writer

Region 5

Feedback / Comment

Get in touch