ODIONGAN, Romblon (PIA) -- Bumilis ang antas ng pagtaas ng presyo ng iba't ibang pangunahIng serbisyo at produkto sa probinsya ng Romblon ngayong Nobyembre 2022. Ito ay base sa inflation report ng Philippine Statistics Authority para sa naturang buwan.
Sa datos ng ahensya, umakyat sa 3.7% ang inflation rate ng Romblon noong Nobyembre kumpara sa 3.5% noong Oktubre 2022 at 2.9% noong Setyembre 2022.
Ayon kay Engr. Johnny Solis, Chief Statistical Specialist sa Romblon, mas mababa pa rin ito kumpara sa 7.9% na naitala sa parehong buwan noong nakaraang taon.
Nakaapekto sa pagtaas ng inflation rate ay ang mabilis na pagtaas ng Food & Non-Alcoholic Beverages na mayroong 4.3% inflation; Housing, Electricity, Gas and Other Fules na may 1.5% inflation; at Personal Cares & Misc. Goods and Services na may 2.9% inflation.
Sinabi ni Engr. Solis na mahalagang pinapaalam ang pinakabagong datos ng inflation rate sa probinsya para magkaroon ng direksyon ang mga stratehiya ng mga Local Government Units pagdating sa ekonomiya ng probinsya.
Sa rehiyon ng Mimaropa, ang Romblon ang may pinakamababang inflation rate para sa buwan ng Nobyembre matapos makapagtala ang ibang probinsya ng 8.2% hanggang 10.1% inflation rate. (PJF/PIA MIMAROPA)