LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Aagapay ang mga mamumuhunang Bulakenyo ang 100 micro, small and medium enterprises o MSMEs kada taon.
Sa ginanap na kauna-unahang Governor’s Ball ng pamahalaang panlalawigan at Bulacan Chamber of Commerce and Industry o BCCI, inilunsad ang MINI ME Program o ang Meaningful Inspirations for SMEs Made-Easy kung saan nakakalap ng inisyal na 500 libong piso mula sa mga lumahok na mga malalaking negosyanteng Bulakenyo.
Sinabi ni Cristina Tuzon, tagapangulo ng BCCI, isinunod ang inisyatibong ito sa Kapatid Mentor Me program ng Department of Trade and Industry o DTI upang mapalitaw ang potensiyal na makapasok sa mas malaking merkado.
Magbubunsod din aniya ito upang matatag na makatayo sa sariling mga paa ang mga benepisyaryong MSMEs at tunay na makatulong sa pagbibigay ng kabuhayan sa ibang nangangailangan ng trabaho.
Para kay Gobernador Daniel Fernando, patunay ang MINI ME Program ng BCCI na malakas at buhay na buhay ang diwa ng pagkakaisa sa Bulacan sa larangan ng kalakalan, industriya at hanapbuhay.
Hindi aniya maikakaila kung bakit palaging kinikilala at pinaparangalan ang Bulacan bilang “Most Business-Friendly Province”.
Kaya naman hinikayat ng gobernador ang mga matatagumpay na malalaking negosyante sa lalawigan, na tulungan din ang mga kabataan na makapagsimula na rin ng sariling negosyo.
Gayundin ang paghikayat sa mga ito na subukang yakapin ang pagsasaka at anumang negosyo na may kinalaman sa pagkain.
Binigyang diin ng gobernador na isang seryosong hamon sa lalawigan at maging sa bansa ang tumatanda at lumiliit na bilang ng mga magsasaka.
Kinakailangan aniyang maging atraktibo ang pagsasaka sa mga kabataan sa pamamagitan ng mga inobasyon upang maging positibo ang kanilang pananaw sa sektor na lumilikha ng pagkain.
Kaugnay nito, hinikayat naman ni DTI Provincial Director Edna Dizon ang mga MSMEs sa lalawigan na magrehistro sa Barangay Micro Business Enterprises o BMBE.
Ito’y upang makatamo ng lima hanggang sampung porsyentong kabawasan sa corporate income tax sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Law.
Base sa tala ng DTI, umaabot sa 579 na mga MSMEs ang nairehistro sa BMBE noong 2021 at nasa 540 ngayong 2022.
Samantala, bukas pa rin ang BCCI sa pagtanggap ng tulong pinansiyal upang patuloy na masuportahan ang adhikain ng MINI ME program.
Maaring ipadala ang mga donasyon sa PhilTrust Bank-Bulacan Branch na may Savings Account No. 1312-0000053-3 at sa Metro Bank-Malolos Branch na may Current Account No. 575-7-57500439-0 na pawang nakapangalan sa Bulacan Chamber of Commerce and Industry Inc. (CLJD/SFV-PIA 3)
Magkatuwang na inilunsad ng pamahalaang panlalawigan at Bulacan Chamber of Commerce and Industry ang MINI ME Program o Meaningful Inspirations for SMEs Made-Easy na naglalayong maalalayang lumago ang may 100 micro, small and medium enterprises taun-taon. (Shane F. Velasco/PIA 3)