No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Cash-for-Work Program payout, ipinamahagi na sa 276 PWD sa lungsod ng Calapan

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Ipinamahagi na sa 276 na opisyal na kasapi ng Persons with Disability (PWD) sa lungsod na ito ang P97,980.00 mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Mimaropa ang Cash-for-Work program payout hatid ng programang Kapit-bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS), Kapangyarihan at Kaunlaran sa Barangay, para sa nasabing sektor.

Isinagawa ang naturang aktibidad sa Kalap Hall ng City College of Calapan kamakailan.

Bawat kasapi ay tumanggap ng P3,550 na kung saan ay kapalit ito ng 10 araw na community service sa kanilang barangay na isinagawa noong Disyembre 6-15 at ang bawat walong oras na pagtatrabaho kada araw ay may katumbas na kabayaran na P355.00 ayon na rin sa kasalukuyang minimum wage rate para sa rehiyong Mimaropa.

Samantala, binigyang linaw ni Persons with Disability Affairs Office (PDAO) Head, Benjamin Agua, Jr., na kung bakit mga PWD ang gumawa ng paglilinis sa barangay, anya “Ang mga PWD ay may kakayahang gumawa ng nasabing gawain tulad ng isang normal na tao at para din makita na hindi hadlang ang kapansanan dahil kabilang din tayo sa lipunan.”

Nakipag-ugnayan naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Mimaropa sa tanggapan ni City Mayor Marilou Morillo gayundin sa City Social Welfare and Development Office at PDAO upang maging matagumpay at maayos na maipatupad ang programa sa lungsod. (DN/PIA-OrMin)


Larawan sa itaas: Masayang tinanggap ng isang benepisyaryong PWD mula sa lungsod ang Cash-for-Work program payout na P3,550 bilang kabayaran sa 10 araw na pagtatrabaho sa pamayanan hatid ng DSWD-Mimaropa. (Kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch