LUNGSOD NG CALAMBA (PIA) – Siniguro ng Department of Health (DOH) ang kahandaan ng rehiyong Calabarzon para sa nalalapit na Kapaskuhan ngayong taon matapos itaas ang Code White Alert Level sa rehiyon hanggang Enero 4, 2023.
Sa ilalim nito, naglaan ang pamahalaan ng P271, 766, 710. 51 kabuuang halaga ng kagamitan tulad ng gamot, medical supplies, at mga bakuna.
Ayon sa DOH Calabarzon, ito ang kahandaan ng mga pagamutan at healthcare worker, tulad ng general at orthopedic surgeons, anesthesiologists, internists, operating room nurses, ophthalmologists at otorhinolaryngologists sa pagtugon sa anumang emergency.
Matatandaang inilunsad ng DOH Calabarzon ang programang ‘Bakunahang Bayan: Biyayang Proteksyon sa Paskong Pilipino’ noong Disyembre 5 hanggang 7, upang bigyan ng karagdagang proteksyon kontra Covid-19 ang publiko bago matapos ang kasalukuyang taon.
Ayon kay Assistant Regional Director Leda Hernandez, layunin ng ‘Bakunahang Bayan Part II’ na mabakunahan ang mga batang edad lima (5) hanggang 11 taon at first booster shots ng mga edad 12 pataas.
Dagdag pa ni Hernandez, “Ito na ang magsisilbing pamasko natin sa kanila, gawing mas ligtas ang bawat isa sa darating na Pasko.”
Batay sa datos ng DOH CALABARZON, nabakunahan na ng primary doses ang 10, 761, 541 indibidwal sa rehiyon, habang nasa 567, 238 naman ang naturukan na ng dalawang dosis ng Covid-19 booster shot. (PB/DOH Calabarzon)