LUNGSOD NG QUEZON -- Sa isang press conference ngayong ika-4 ng Enero, ibinahagi ng Kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) Atty. Benjamin C. Abalos ang mga hakbang ng ahensya upang maibalik ang ‘public trust’ sa pulisya sa gitna ng patuloy na pagsugpo sa ilegal na droga.
Sa kanyang mensahe, binigyang-pansin ni Abalos ang pagpapanumbalik ng tiwala ng mamamayan sa mga pulis at sa iba pang empleyado ng gobyerno dahil sa patuloy na pagdami ng mga kasong nauugnay sa ilegal na droga na kinasasangkutan ng mga ito.
Inirekomenda naman ng pinuno ng Philippine National Police (PNP) na magsimula muli ang paglilinis sa hanay ng pulisya. Ayon kay Abalos, isa ito sa mga agarang solusyon na naisip ng kanilang grupo upang puksain ang ilegal na droga at ayusin ang baluktot na sitwasyon sa loob ng organisasyon.
Umaapela rin ang kalihim sa mga Koronel at Heneral na sangkot sa ilegal na droga na magpasa ng kanilang ‘courtesy resignation letter’. Mula roon, ito ay ipapasa ng ahensya sa isang kumite na siyang magsasagawa naman ng nararapat na imbestigasyon.
Ang mga miyembro ng kumite ay hindi pinangalanan para na rin sa kanilang kaligtasan.
Dagdag pa ni Abalos na mas makabubuti ang paglilinis ng hanay dahil mas mapapadali ang pagtapos ng laban sa ilegal na droga kung ang mga miyembro ng PNP, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at National Bureau of Investigation (NBI), at ang taumbayan ay magtutulungan.
Kumpiyansa ang kalihim na malaki ang magiging epekto ng kanilang gagawing hakbang sa araw-araw na gawain ng pulisya lalo’t higit sa pagpapanumbalik ng tiwala ng mga Pilipino sa organisasyon at sa pamahalaan.
Ang desisyong ito ay nag-ugat sa ‘buy bust operations’ na naging daan upang mabigyang mukha mga malalaking tao na miyembro ng PNP at PDEA sa likod sa hindi matapos-tapos na pagsugpo sa ilegal na droga.
Sinigurado ni Abalos na muli siyang magpapatawag ng pagpupulong upang magbigay ng mga update kaugnay sa hakbang na ito. (MVV, PIA-CPSD)