(Tagalog translation)
Rasong ng pagtaas ng presyo ng petroleum products , ipinaliwanag ng DOE
BAGUIO CITY (PIA) -- Ipinaliwanag ng Department of Energy (DOE) ang dahilan ng pagtaas g presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa Laging Handa Public Briefing, inilahad ni DOE Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero na kabilang sa mga nakaapekto sa price hike ay ang pagtama ng bagyo sa ibang oil refinery sa United States at ang pagluluwag ng travel restrictions sa China.
Aniya, isa pang dahilan ay ang hindi pagsusuplay ng Russia sa ibang bansa at oil companies.
"Ang isang major reason sa nasabing adjustment, ito po 'yung price cap na tinutulan ng Russia. Ang Russia po, hindi sila magre-release ng produktong petrolyo for those countries at companies na sumuporta sa price cap," ani Romero.
Paliwanag nito, kung ano ang mangingibabaw na rason ang pagbabasehan ng presyo ng mga produktong petrolyo gaya ng nagpapatuloy na hidwaan sa pagitan ng Russia at Ukraine, isyu ng oil production ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC), pagtaas ng interest rate, paghina ng economic activities ng mga malalaking bansa, at iba pa.
Binanggit nito na mula Enero hanggang Nobyembre noong nakaraang taon, ang average OPEC production sa produktong petrolyo ay umaabot sa 24.75 million barrels per day, mas mababa kung ikukumpara sa quota ng mga ito na 25.73 million barrels per day.
Sa world market naman, mas mataas ang suplay pero ramdam pa rin aniya ang pagtaas ng presyo ng mga petrolium products.
"Despite na maayos ang supply and demand, may kaunting angat 'yung supply, nagkakaroon pa rin po ng pagtaas sa presyo, not necessarily the supply issue but rather other factors that would contribute to increase the price of oil products," paliwanag ni Romero.
Noong 2022, aabot sa P14.90 ang net increase sa bawat litro ng gasolina, P27.30 per liter sa krudo, habang P21.30 per liter sa kerosene.
Tiniyak naman nito na patuloy ang pakikipagtulungan nila sa iba't ibang stakeholders upang masolusyonan ang mga isyu. Pinayuhan niya ang mga may concern o reklamo kaugnay sa petroleum products at LPG na kontakin lamang ang numerong 8840-2130. (JDP/DEG-PIA CAR)