LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Isinagawa kamakailan ng Commission on Elections (COMELEC) Calapan ang satellite registration sa Barangay Canubing 2 sa lungsod na ito para sa nakatakdang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa darating na Oktubre 30.
Sinabi ni City Comelec Officer Atty. Suminigay Mirindato, “Nagsimula ang pagpapatala ng mga botante noong Disyembre 12 ng nakaraang taon para sa mga may edad 15 pataas at mga magpapapalit ng estadong sibil, lumipat ng tirahan, pagpapatama ng datos tulad ng pangalan, lugar ng bahay, edad, reaktibasyon at iba pa, at ito ay magtatapos ngayong Enero 31.”
Ayon pa kay Mirindato, nung simulan ang pagpaparehistro noong nakaraang buwan ay nasa humigit-kumulang 400 pa lamang ang nakapagpatala na kung ikukumpara sa mga nakalipas na pagpaparehistro ay nasa halos libo na sa loob lamang ng isang buwan. Marahil na rin anya ang buwan ng Disyembre ay kaliwa’t-kanan ang mga kasiyahang naganap dahil panahon ito ng kapaskuhan habang ang iba ay umuwi sa iba’t-ibang lugar o bayan sa bansa kung kaya ganito lamang kababa ang bilang na nagpatala.
Samantala, itinakda ng Comelec Calapan na ang ikalawang linggo ng Enero ay gaganapin ang ‘Vulnerable Sectors Week’ na kung saan ay magtutungo ang kanilang mga kawani sa mga paaralan, panlungsod na distritong piitan at panlalawigang piitan sa Kapitolyo upang mabigyang pagkakataon ang mga estudyante at mga nakakulong na makapagpatala na hindi na kailangan pang maabala pumunta sa tanggapan ng City Comelec.
“Patuloy ang aming panyaya sa mga hindi pa rin nakakapagparehistro, bukas ang aming tanggapan at sa mga nakatakdang satellite registration sa mga barangay sa lungsod, kailangan lamang alamin sa aming Facebook Page na ‘Comelec Calapan’ ang mga schedule ng araw na aming pagpunta sa inyong barangay at samantalahin na natin ang maikling panahon na ito,” pagtatapos na mensahe ni Mirindato.
Nakatakdang iluklok ang 42,022 na Punong Barangay at Sangguniang Kabataan Chairperson at pitong Barangay at SK kagawad bawat barangay para sa kabuuang 294,154 sa buong bansa. (DN/PIA MIMAROPA)