Tagalog translation:
DOE, muling nagpaalala ng energy efficieny
BAGUIO CITY (PIA) -- Nagpaalala ang Department of Energy (DOE) sa publiko na magtipid ng enerhiya lalo na sa inaasahang pag-init ng panahon simula sa Marso.
Sa ginanap na press briefing, ipinaliwanag ni DOE Undersecretary Felix William Fuentebella na kailangan ang energy efficiency sa nasabing panahon upang mapanatili ang sapat na suplay ng enerhiya.
“Dahil umiinit ang panahon, tumataas ang konsumo natin ng kuryente at dahil sa pagtaas ng konsumo ng kuryente, nagkakaroon ng pagnipis ng reserba sa ating suplay at dahil nga diyan, mas kailangan nating maging vigilant, making energy efficiency as a way of life because immediate din ang impact nito sa atin,” paliwanag ni Fuentebella.
Aniya, marami ang energy efficiency tips na maaaring gawin, hindi lamang sa behavior kundi sa pagpili ng mga appliances, pagdisenyo sa mga gusali, at iba pa. Maaari ring gumamit ng LED lighting program at energy efficient appliances.
“The benefits of energy efficiency are immediate and when prices are high, when inflation is high, it also helps the economy as a whole. So when everybody contributes on this, there will be a lot of benefits not only to our pockets – as mga nagba-budget para sa mga pamilya – kundi pati rin sa ating ekonomiya,” dagdag nito.
Ayon naman kay DOE Secretary Raphael Lotilla, kung epektibo ang energy efficiency ay hindi na kailangang patakbuhin ang mga diesel-fired powerplants na mas malaki ang gastos dahil mahal ang mga produktong petrolyo.
"Hindi dapat tingnan ang demand side management na parang panakip-butas. Dapat ito ay nagiging natural element, embedded in our entire management system. The amount of power needed to produce a unit of good or services ay dapat ipababa natin. Part of this is particular effort in demand side," ani Lotilla.
Inilahad nito sa panig naman ng suplay, may mga proyekto ukol sa renewable energy na ipatutupad upang madagdagan ang suplay ng enerhiya sa bansa.
Sinabi ni Undersecretary Rowena Cristina Guevara na ang mga critical periods sa Luzon grid kung saan posibleng ideklara ang yellow alert ay sa week 11 ng Marso, Week 13 at 17 ng Abril, sa lahat ng linggo ng Mayo, week 22 at 23 ng Hunyo, week 35 ng Setyembre, week 42 ng Oktubre, at week 47 ng Nobyembre.
Aniya, hanggang sa yellow alert ang kanilang pagtaya na mararanasan pero kung biglaang may masira na malaking planta ay tiyak aniya na idedeklara ang red alert. (JDP/DEG-PIA CAR)