Pagidiriwang ng Biniray Festival noong 2019. (Romblon News Network File Photo)
ODIONGAN, Romblon (PIA) -- Isandaang porsyento nang handa ang bayan ng Romblon para sa pagdiriwang ng Biniray Festival sa susunod na linggo. Ito ang ibinahagi ni Romblon Mayor Gerard Montojo nang makapanayam ng PIA Romblon nitong Sabado.
Ayon sa alkalde, nakahanda na ang buong lokal na pamahalaan ng Romblon maging ang ibang kalakok ng festival gaya ng simbahan, kapulisan, maging ang mga tribal dancers.
Magsisimula ang pagdiriwang sa Lunes, January 9, kung saan magkakaroon ng opening parade na susundan ng iba't ibang sports competition.
Sinabi ni Mayor Montojo na January 13 gaganapin ang Ton-Ton Mass kung saan panahon para ibaba ng altar ang Senior Sto Niño de Romblon bago iikot sa Poblacion. Magkakaroon rin ng Marble Festival sa nabanggit na araw.
Pagdating ng Sabado gaganapin ang mismong Biniray Festival 2023 na inaasahang dadaluhan ng maraming bisita mula sa iba't ibang bayan at probinsya.
"Pakiramdam ko mas marami [-ng bisita] ngayon. Kasi 'yung mga hotels puno na mula pa noong Nobyembre. 'Yung mga barko na pauwi halos puno na rin yan," pahayag pa ng alkalde.
Kaugnay naman sa siguridad ng pagdiriwang, sinabi ng alkalde na may augmented force na ang Philippine National Police sa kanilang bayan para mapanatiling ligtas ang buong pagdiriwang. (PJF/PIA Mimaropa)