No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Batas kontra overloading sa CagVal, paiigtingin ng RDC

DIADI, Nueva Vizcaya (PIA) - - Ipapatupad na ng Regional Development Council (RDC) ang Republic Act 8794 o ang Anti-Overloading Law sa Cagayan Valley Region upang maprotektahan ang mga daan at tulay sa national highway at maibsan ang matinding traffic na tinatamasa ng mga biyahero at mga mamamayan dulot ng mga overloaded cargo trucks at haulers.

Ito ang napagkasunduan kamakailan sa RDC sa isinagawang pagpupulong nito sa Lower Magat Eco-Tourism Park sa bayan ng Diadi na pinangunahan nina Nueva Vizcaya Governor Carlos Padilla at Isabela Governor Rodito Albano kamakailan.

Ilan sa mga hakbang na gagawin ng RDC ay ang pagbuo muli ng composite team na binubuo ng Department of Public Works ang Highways (DPWH), Land Transportation Office (LTO), Philippine National Police (PNP) at mga kaalyadong Local Government Units (LGUs) upang bantayan ang weighing stations, pigilan at pagmultahin ang mga overloaded trucks na bumibyahe sa kahabaan ng national highway sa lambak ng Cagayan.

Ayon kay Isabela Governor at RDC Chairman Rodito Albano, nalalagay sa matinding pressure ang mga daan at tulay sa maharlika highway dahil sa patuloy na pagdaan ng mga overloaded trucks o haulers na siyang sanhi ng madaling pagkasira ng mga ito.

I-dedeputize din ng RDC ang mga tauhan ng LGUs na kasamang magbabantay sa weighing stations upang tumulong sa enforcement ng Anti-Overloading Law.

Inaasahan ang bubuuing action plan ng mga ahensya ng pamahalaan upang maayos at maigting ang pagpapatupad ng nasabing batas laban sa overloading.

Isusumite din ng RDC kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong ’ Marcos,Jr. ang isang panukala hinggil sa pagkakaroon ng Train Project sa Cagayan Valley upang magamit ng business sector sa transportation ng kanilang mga produkto at maibsan ang madaling pagkasira ng mga daan at tulay sa rehiyon dos.

Base da datos ng DPWH weighing station sa Barangay Calitlitan sa bayan ng Aritao mula July - December 2022, 13,791 mula sa 13,963 na natimbang na mga cargo trucks o 98.77 percent ay overloaded.

Ayon kay Governor at RDC Chairman Albano, dapat ipaliwanag ng LTO ang report hinggil sa walang naitalang apprehension at penalty sa mga overloaded trucks ng ilang taon base sa report ng DPWH. (OTB/BME/PIA NVizcaya)

About the Author

Benjamin Moses Ebreo

Information Officer III

Region 2

Feedback / Comment

Get in touch