LUNGSOD NG ANGELES (PIA) -- May 117 contract of service o COS na empleyado ng Rafael Lazatin Memorial Medical Center o RLMMC ang nakatakdang tumanggap ng umento sa sahod simula Pebrero 1.
Sa Memorandum Order No. 182, Series of 2023 na inilabas ng pamahalaang panlungsod, tatanggap ng dagdag na dalawa hanggang anim na libong piso ang mga nasabing empleyado.
Kabilang dito ang 105 nursing attendants na magkakaroon ng dalawang libong pisong dagdag na sahod; at walong radiologic technologist, at apat na midwife na tatanggap ng karagdagang apat na libong piso.
Ayon kay Mayor Carmelo Lazatin Jr., isa itong paraan ng pagkilala sa walang humpay na pagsusumikap at dedikasyon ng mga empleyado ng RLMMC na magbigay ng de-kalidad na serbisyong medikal, lalo na sa gitna ng pandemya.
Aniya, ibinibigay ng mga ito ang lahat ng kanilang makakaya upang gamutin at panatilihing malusog hindi lamang ang mga nahawahan ng COVID-19, kundi pati na rin ang mga may iba’t ibang mga karamdaman.
Matatandaang noong 2020, iniutos ni Lazatin ang 12,000 piso umento sa sahod ng 111 nars sa RLMMC.
Noong 2021 naman, 141 City Health volunteers na tumulong sa pagbabakuna kontra COVID-19 ang nabigyan ng karagdagang isang libong pisong honoraria, kabilang ang 43 Barangay Health Workers, 49 Barangay Nutrition Scholars, at 49 Barangay Population Officers.
Anim na nars naman na may posisyong Nurse II ang nabigyan ng 3,093 pisong dagdag sahod noong 2022 batay sa revised Budget Circular No. 2020-4 na inilabas ng Malacañang. (CLJD/MJSC-PIA 3)