LUNGSOD NG SORSOGON, Sorsogon (PIA) - Nagbigay pugay ang Department of Health-Bicol Center for Health Development (DOH-CHD) sa local government units (LGUs), hospitals at clinics, at mga ahensya na may malaking ambag sa paghatid ng serbisyong pangkalusugan sa awarding ceremony na ginanap sa Legazpi City noong ika-13 ng Enero, Biyernes.
Alinsunod sa temang "Pagkaburonyog Para sa Salud nin Kagabsan," kinilala ang LGUs ng mga bayan ng Sta. Magdalena at Gubat dahil sa kanilang municipal-wide certified Zero Open Defecation status sa ilalim ng infectious disease cluster.
Sa ilalim ng family health cluster, kasama ang Rural Health Units ng Bacelona at Bulusan sa limang RHUs sa rehiyon na pinarangalan bilang Best Performing Facilities for Pinaslakas.
PinasLakas awardee sa City Level ang City Health Office ng Sorsogon na pinamumunuan ni Dr. Rolando Dealca.
Sa hospital category, natanggap ng Sorsogon Medical Mission Group Hospital and Health Services ang DOH Data Collect Reporting Compliance Award habang sa Infirmary and TTMF category, ang Bulan Medicare Hospital at Provincial Health Office Sorsogon naman ang binigyan ng parehong pagkilala.
Kinilala naman ang Sorsogon City at munisipyo ng Juban dahil sa magandang serbisyong ipinakita ng dalawang LGUs sa ilalim ng Doctors to the Barrios Program.
Ang LGUs ng Barcelona at Bulan ay pinarangalan bilang 2022 Green Achiever's Awardees. Ang award na ito ang pinakamataas na pagkilalang iginagawad ng DOH Salud Bikolnon Awards.
Sa individual category, binigyang pugay ang siyam sa mga kawani ng Philippine Information Agency (PIA) sa Bicol bilang pagkilala sa suporta ng PIA sa pagpapalaganap ng tama at napapanahong impormasyon at kaalaman ukol sa Covid-19 program at iba pang mga programang pangkalusugan ng kagawaran.
Pinangunahan ito ni Benilda A. Recebido, Officer-Inc-Charge ng regional office at Information Center Manager ng PIA Sorsogon kasama ang lima pang ibang information center managers ng Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Masbate at tatlong pang kawani na nakatalaga sa PIA regional office. (PIA5/Sorsogon)