MABITAC, Laguna (PIA) — Pinasinayaan ng Department of Agriculture - Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON ang ika-13 Farmers’ Information and Technology Services (FITS) Kiosk sa lalawigan ng Laguna at ika-53 FITS Kiosk sa CALABARZON na matatagpuan sa Adoress Farm Training and Assessment Center Inc., bayan ng Mabitac.
Dinaluhan ang pagbubukas ng FITS Kiosk ni Training Center Superintendent II / Center Director Dr. Rolando V. Maningas, mga kinatawan ng Office of the Provincial Agriculturist, Mabitac Mayor’s Office, Mabitac Municipal Agriculturist Office, at ng mga may-ari ng Adoress Farm.
Sa kanyang mensahe, binigyang pahalaga ng direktor ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga FITS Kiosk upang mapalapit sa komunidad ang serbisyo ng FITS at DA-ATI.
“Ang mga Agricultural Extension Workers sa lokal na pamahalaan ng Mabitac at lalagiwan ng Laguna ang gagabay sa mga magsasaka para gamitin ang tamang teknolohiya. Ito ang pinakang layunin ng Techno Gabay Program (TGP),” ani Maningas.
Lumagda naman sa isang letter of agreement (LOA) ang DA-ATI, Mabitac LGU, at Adoress Farm upang matiyak na tuloy-tuloy ang pagse-serbisyo ng kiosk sa komunidad.
Ayon kay Jamila Balmeo, Information Officer II ng DA-ATI, handang magbigay ng iba’t-ibang serbisyo para sa sektor ng agrikultura, pangisdaan at paghahayupan ang FITS Kiosk kagaya na lamang ng pagpapalaganap ng mga Information, Education and Communication (IEC) Materials at ilang teknikal na tulong sa Information Communications Technology (ICT). (CH/PIA-Laguna; may ulat mula DA-ATI IV-A)