LUNGSOD NG DAGUPAN (PIA) – Isinagawa sa munisipyo ng Umingan ang isang training-workshop ukol sa Waste Analysis and Characterization Study (WACS) sa pangunguna ng Department of Science and Technology (DOST) na naglalayong palawakin ang kaalaman sa waste management at makatulong sa komunidad.
Isinagawa ng Provincial Science and Technology Office (PSTO)-Pangasinan Field Office kasama ang Industrial Technology and Development Institute (DOST-ITDI) ang nasabing training-workshop noong Enero 10-11, 2023 sa ilalim ng Community Empowerment through Science and Technology Program (CEST).
Ang programa ay alinsunod sa Republic Act No. 9003, na kilala rin bilang "Ecological Solid Waste Management Act of 2003," na naglalayon na matiyak ang wastong segregation, collection, transport, storage, treatment, at disposal ng solid wastes, at upang matukoy ang kabuuang dami at bahagi ng basurang nalilikha araw-araw ng local government unit (LGU).
Ang aktibidad ay nagnanais na tulungan ang munisipyo na magkaroon ng mabisa at mahusay na solid waste management, partikular na para sa kanilang 10-year Solid Waste Management Plan.
Ang mga eksperto pagdating sa waste management ng DOST-ITDI na sina Engr. David Herrera, Marcelino Prudencio Jr., Ma. Theresa Arthuz at Engr. Joven Barcelo ang nagsilbing mga resource speakers ng programa.
Mayroon namang 15 kalahok na binubuo ng tagapangulo at kawani ng Municipal Environment and Natural Resources Office at ng Material Recovery Facility kasama ang Municipal Planning and Development Council ang dumalo sa programang ito ng DOST.
Ang mga kalahok ay nakakuha ng kaalaman at kasanayan sa Basic WACS procedures, pagtukoy ng sample sizes, health, at safety guidelines sa pagsasagawa ng WACS, paghahanda ng worksheets at WACS plan.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Mario Sonaco, opisyal ng Municipal Environment Office (MENRO), sa DOST dahil ang pagsasanay ay tiyak na tutulong sa komunidad sa pagpapalaganap ng kamalayan sa pamamahala ng basura, partikular sa mga kabahayan at barangay. (JCR/AMB/RPM, PIA Pangasinan)