No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

PNP-La Union inalala ang kadakilaan ng SAF44

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, La Union (PIA) – Inalala ng La Union Police Provincial Office  (LUPPO) ang kadakilaan ng 44 na Special Action Force (SAF) commandos na nasawi sa engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao pitong taon na ang nakalilipas.


Ang nasabing programa ay ginanap sa bayan ng Luna nitong Miyerkules na kung saan ang buong kapulisan ay nag-alay ng bulaklak at panalangin sa nakahimlay na labi ng isang SAF trooper na si PO3 Omar Nacionales.


Sa kanyang mensahe, inihayag ni LUPPO provincial director PCOL Lambert Suerte na hindi makakalimutan ang sakripisyo ng 44 SAF commandos para mapuksa ang terorismo.


Pinangunahan ni La Union police provincial director PCOL Lambert Suerte ang pag-alala at pagbibigay pugay sa kadakilaan at kabayanihan ng mga yumaong 44 Special Action Forces commandos sa ginanap na aktibidad sa Luna, La Union noong Enero 25.

“Nag-i-enjoy ng freedom, nakakapamasyal tayo kung saan-saan dahil sa mga sacrifices ng ating special action force, ang ating kasundaluhan at lahat ng kapulisan ng Pilipinas,” ani Suerte


Nagsisilbi aniyang inspirasyon ang ipinamalas na kabayanihan at pagmamahal sa bayan ng 44 SAF commandos para gampanan ang kanilang tungkulin upang protektahan ang taumbayan mula sa karahasan.


“Ang greatest sacrifice ng SAF is giving your life. Hindi operation ang pinag-uusapan dito, hindi ‘yong accomplishment kundi ang greatest na accomplishment ng SAF trooper ay pagbibigay ng buhay niya para mapanatili natin ang kapayapaan dito sa ating bansa,” ani Suerte.


Nagparating din ng pakikisimpatya si Suerte sa mga naiwang pamilya ng 44 SAF commandos.


Samantala, nagbigay din ng pasasalamat si Rajiv Nacionales, ang kaanak ng isa sa yumaong SAF, sa patuloy na suporta ng buong kapulisan.


“Ngayong 25th day of January, narito muli tayo upang alalahanin ang isang nakakalungkot na pangyayari. Mula sa aming pamilya, hindi namin masusuklian ang mga sakripisyo na ibinigay ninyo sa amin,” ani Nacionales. (JCR/AMB/KJCR, PIA La Union)


Dumalo ang mga kaanak ng isa sa mga yumaong SAF trooper na si PO3 Omar Nacionales upang alalahanin ang kanyang sakripisyong inialay para sa bayan sa ginanap na aktibidad sa Luna, La Union noong Enero 25.

About the Author

Kathlene Joyce Ramones

Writer

Region 1

Feedback / Comment

Get in touch