LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Pangungunahan ni Migrant Workers Secretary Maria Susana Ople ang paggunita sa Ika-96 na Taong Kapanganakan ng kanyang ama na si Blas ngayong Biyernes, Pebrero 3.
May temang, “Gat Blas F. Ople: Dakilang Bulakenyo, Bayani ng Manggagawang Pilipino”, magsisilbing highlight ng okasyon ang pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ng dating Pangulo ng Senado at kalihim ng Department of Labor and Employment o DOLE at Department of Foreign Affairs.
Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, magkakaroon din ng job fair sa Hiyas Convention Center sa pangunguna ng Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office kung saan mag-aalok ng mga trabaho dito at sa ibayong dagat.
Mamamahagi rin ng sertipiko ang DOLE sa mga benepisyaryo ng Government Internship Program nito.
Samantala, may medical mission ang Department of Migrant Workers katuwang ang Damayan sa Barangay na programa ng Kapitolyo.
Ayon kay Fernando, ang mga nagawa ni Ople sa public service ay hindi malilimutan sa puso at isipan ng bawat Bulakenyo at ng lahat ng Pilipino.
Si Ople ay tinaguriang Ama ng Philippine Labor Code at Overseas Filipino Workers dahil sa matagal na panahon na naging kalihim ng DOLE.
Siya rin ay naging isang peryodista at kinilala rin ang ambag sa pagkakalikha ng National Manpower and Youth Council o mas kilala na sa ngayon bilang Technical Education and Skills Development Authority na nagsasagawa ng mga training program ng mga skilled workers. (CLJD/VFC-PIA 3)