No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

15,514 na trabaho binuksan ng DMW, DOLE sa Araw ni Blas Ople

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Umabot sa 15,514 na mga trabaho ang magkasabay na binuksan ng Department of Migrant Workers o DMW at Department of Labor and Employment o DOLE bilang handog sa pagdiriwang ng Ika-96 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ni Blas Ople.
 
Pinangunahan ang pagbubukas ni DMW Secretary Susan Ople, na bunsong anak ni Blas.
 
Pinakamarami sa bilang na ito ang 11,124 na overseas jobs na iniaalok ng nasa 29 na mga overseas employers habang may 4,390 na mga lokal na trabaho ang binuksan ng 51 mga local employers.
 
Binilinan ni kalihim Ople ang mga aplikante na tandaan ang “First Time, Last Time” Rule sa pagharap sa job interview sa inaaplayang kumpanya.
 
Una rito, kailangang maayos ang resume na may malilinaw na impormasyon gaya ng email address.
 
Hindi aniya maari na gawing pabiro ang mga email address na hinahalaw sa mga salitang-kalye at mga inimbentong karakter.
 
Nararapat na sumalamin ang resume sa pagkatao at pagiging kwalipikado ng isang aplikante.
 
Dapat ding magkaroon ng isang kaaya-ayang social media page o account ang isang aplikante dahil isinasama na rin ang mga nilalaman nito sa isinasagawang screening.
 
Pangunahin sa uri ng mga inaalok na trabaho sa ibang bansa ang healthcare sector kung saan may mga kailangang nars sa Germany.
 
Oportunidad din para sa mga nars ang patuloy na nakabukas sa Japan, Britanya, Kuwait at Qatar.
 
Kaya naman dahil sa patuloy na pagdami ng trabaho sa ibang bansa para sa mga nurses, sinabi ni Ople na nirerepaso na ng DMW ang pagpasok nito sa isang Memorandum of Agreement sa Department of Health at Commission on Higher Education para bigyan ng scholarship grant ang mga nag-aaral ng kursong Nursing.
 
Ipinaliwanag ng kalihim na bagama’t kabilang na sa benepisyaryo ng umiiral na Republic Act 10931 o Universal Access for Quality Tertiary Education Act ang mga nag-aaral sa nasabing kurso sa mga pampublikong kolehiyo at pamantasan, magiging saklaw ng binubuong scholarship program ang para sa iba pang gastusin.
 
Partikular na bibigyan nito ang mga mag-aaral sa kursong nursing na nasa ikatlo at ikaapat na taon na.
 
Kapag nakapagtapos at nakapasa na bilang registered nurse, obligado silang maglingkod muna sa mga pampublikong ospital sa bansa sa loob ng dalawang taon.
 
Matapos nito, makakapagdesisyon ang magiging benepisyaryo kung mananatili sa Pilipinas o magtatrabaho sa ibang bansa.
 
May mga trabaho rin sa ibang bansa na binuksan sa sektor ng wellness, dental, hospitality, human resources, industrial technology, manufacturing, food, agribusiness, construction, energy, maritime at transportation.
 
Kaugnay nito, nasa 122 na mga OFW at kanilang mga kaanak ang nabiyayaan ng iba’t ibang tulong mula sa Overseas Workers Welfare Administration.
 
Ayon kay OWWA Regional Director Falconi Millar, 49 ang nabiyayaan ng halagang mula lima hanggang 20 libong pisong ayuda sa ilalim ng Balik Pinas, Balik Hanapbuhay.
 
Ito ang programa na nagbibigay ng puhunan sa mga OFWs na nais nang mag-settled down sa Pilipinas.
 
Nasa 28 ang nabigyan ng medical assistance na umaabot hanggang 20 libong piso, siyam na tulong para sa mga namatayan ng kaanak na OFW na nagkakahalaga ng 20 libong piso at anim para sa insurance ng iba ring namatayan na umaabot sa 120 libong piso.
 
Para sa anak ng mga OFWs, 12 ang naipailalim sa OFW Dependent Scholarship Program na nagkakahalaga ng 10 libong piso kada isang semestre at 15 sa Education and Livelihood Assistance Program kung saan may halagang limang libong piso  ang ibinigay sa anak na nasa basic education, 10 libong piso para sa nasa senior high school at 10 libong piso para sa nasa kolehiyo.
 
Iba pa rito ang dalawang anak ng OFW na naisama sa Education for Development Scholarship Program, kung saan pinagkakalooban ng hanggang 60 libong piso kada school year ang isang nag-aaral sa kolehiyo hanggang sa matapos sa loob ng apat hanggang limang taon.
 
Mayroon namang isang OFW na nabigyan ng 20 libong piso na Special Financial Assistance.
 
Samantala, sinabi ni Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office o PYSPESO Head Kenneth Lantin na 4,390 na mga lokal na trabaho na iniaalok ng 51 na mga lokal na kumpanya ay nasa sektor ng retail, media, marketing, amusement, finance, banking, information and communication technology, food, hospitality, mechanical, energy at industrial technology.
 
Iniulat naman ni DOLE Provincial Director May Lynn Gozun na nakapagtala ang ahensya ng 77 mga Hired on the Spot.
 
Bagama’t isang araw lamang ginanap ang nasabing job fair, maaari pa ring magsumite ang aplikasyon sa PYSPESO sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga rekisito sa peso.lalawiganngbulacan@gmail.com.
 
Para kay Gobernador Daniel Fernando, minabuti ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na regular na magdaos ng Job Fair bilang pagpaparangal kay Blas Ople na tubong Hagonoy, Bulacan na nagbalangkas ng Labor Code of the Philippines. (CLJD/SFV-PIA 3)

Pinangunahan ni Migrant Workers Secretary Susan Ople (pangalawa mula sa kanan) ang pagbubukas ng Job Fair kaugnay ng Ika-96 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ni Blas Ople na Ama ng Labor Code of the Philippines. (Provincial Public Affairs Office)

About the Author

Shane Velasco

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch