ODIONGAN, Romblon (PIA) -- Napagkasunduan sa ginanap na dialogue kagabi, Pebrero 3, na pansamantala munang ihihinto ng Altai Philippines Mining Corp. (APMC) ang kanilang operasyon sa Sibuyan Island, Romblon dahil sa mga nakitang paglabag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ayon kay Rodne Galicha ng Living Laudato Si, nabanggit ng kinatawan ng DENR na naglabas na sila ng Notice of Violation sa APMC dahil nilabag ng ng mga ito ang Water Code of the Philippines, DAO 2004-24 and its Impementing Rules and Regulations dahil sa kawalan ng foreshore lease agreement ng pantalan, PD 1586 dahil sa paggawa ng causeway nang walang Environmental Compliance Certificate, at PD 705 dahil a pagpuputol ng mga kahoy nang walang permit.
"Everyone agreed that APMC must cease operations until all issues and concerns are addressed, a status quo," ayon kay Galicha.
Bagama't may status quo sinabi ni Galicha na napagkasunduan ng mga taong nagbabarikada na hindi sila aalis sa lugar hangga't hindi umaalis ang malalaking barge at truck ng Altai.
Samantala, inilahad rin ni Galicha na napag-usapan sa dialogue ang kawalan ng transparency, coordination, at respeto ng national government agencies sa mga lokal na pamahalaan.
"All these victories happened mainly because of the continued protests, barricade, action and expressions of Sibuyanons," pahayag pa ni Galicha.
Sinabi naman ni General Rhoderick Armamento ng Philippine National Police na kanilang aaksyunan ang ginawa ng mga pulis sa barikada kung may matatanggap silang reklamo.
Maliban sa mga nabanggit, dumalo rin sa dialogue ang mga opisyal ng barangay España, Governor Jose Riano, Mayor Nanette Tansingco, DILG Provincial Director Eric Gumabol, mga kinatawan ng DENR, MGB, Altai Philippines Mining Corp; Atty. Frank Parcon ng IBP Romblon, Cajidiocan Mayor Greggry Ramos, at Fr. Ric Magro.
Ngayong Sabado ay ika-12 araw na ng pagbabarikada ng mga Sibuyanon sa Barangay España bilang pagprotesta sa pagmimina ng APMC. (PJF/PIA Mimaropa)