SAN FERNANDO CITY (PIA)- Pinangunahan ng Department of Energy (DOE), kasama ang mga kumpanya ng LPG sa bansa, ang paglulunsad ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) law sa lungsod.
Ang paglulunsad ng naturang batas ay naganap sa unang LPG Regional Summit noong Pebrero 1 at 2.
“The Republic Act 11592 or yung sinasabi po natin LPG Industry Regulation Act ay napirmahan ng dating presidente Rodrigo Roa Duterte na maisabatas ito basically para mag-cater po sa LPG industry,” ani Renante Sevilla, regional director ng DOE Luzon Office.
Sa naganap na LPG Regional Summit, inilunsad ng Department of Energy kasama ang mga kumpanya LPG ang LPG law sa San Fernando, La Union noong Pebrero 1 hanggang 2.
Sa ilalim ng naturang batas, mas natitiyak ang kaligtasan ng publiko dahil klaro na ang pamantayan sa mga itinitindang LPG cylinders at iba pang piyesa na kaakibat nito para makapaghatid ng apoy sa mga lutuan.
Samantala, pinaalala rin ni dating LPG Marketers' Association (LPGMA) representative at presidente ng Republic Gas Company (REGASCO) Arnel Ty na ang paglabag sa naturang batas ay may karampatang mabigat na parusa.
“At pag mayroong violation, yung paghahanapbuhay ng mga illegal activities kagaya ng pagbebenta ng mga bulok na tangke, lahat po yan ay may mas mabigat na parusa at may halong kulong na po ito ngayon. Hindi po kagaya dati na hindi po ito gaano kabigat yung parusa,” ani Ty.
Paliwanag ni Ty sa mga retailer at consumer, "Sa ngayon, ang naturang batas ay nagsasaad na kailangan munang kumuha tayo ng permit sa Department of Energy sa pamamagitan po sa tawag na license to operate."
Alinsunod sa batas, may P5,000 hanggang P20,000 na multa kada araw ang mahuhuling nagbebenta ng LPG nang walang kaukulang permit, sertipikasyon, at registration.
Sa isang panayam noong Pebrero 2, nagpaalala ang Department of Energy kasama ang LPGMA Partylist sa mga consumers na suriin ang mga tangke ng gas na binibili upang makaiwas sa aksidente.
Hinikayat naman ni Cris Gaviola, operation supervisor ng M-Gas, na huwag tumangkilik ng mga sirang tangke ng gas.
“Tumangkilik po kayo sa mga lehitimo na nagbebenta ng LPG sa Pilipinas sapagkat para matutulungan din namin kayo para ma-develop, ma-provide namin nang maayos yung mga ginagamit ninyong LPG sa loob ng inyong mga tahanan ,” ani Gaviola.
Ang regional LPG summit na may layuning maipalaganap sa publiko ang kahalagahan ng LPG Law ay dinaluhan ng mahigit kumulang 400 na indibidwal mula sa iba't ibang kumpanya ng LPG. (JCR/MJTAB/KCR, PIA La Union)
Isa sa mga dumalo ang humihingi ng kasagutan sa Department of Energy patungkol sa mga problemang kinakaharap ng LPG industry.