DAET, Camarines Norte, Pebrero 6 (PIA) – Isang rebelde na fulltime sa New Peoples Army (NPA) sa Camarines Norte ang nagbalik-loob sa pamahalaan sa pamamagitan ng mga kasundaluhan ng 9th Infantry (Sandigan) Battalion.
Ito ay matapos ang pakikipag-ugnayan ng Civil-Military Operations (CMO) Section ng 9IB sa tulong ng isang concerned citizen na naging tulay para magbalik-loob ang miyembro ng NPA upang ipagkatiwala at ipagbigay alam ang kinaroroonan nito.
Ang nasabing NPA member ay nagsilbing S4/Supply Officer at Political Instructor sa kilusan sa loob ng 10 taon na naglalakad sa 1st District ng Camarines Sur at 2nd District ng Camarines Norte.
Umabot ng mahigit isang buwan ang pakikipag-ugnayan ng tauhan ng 9IB upang makumbinsi ang naturang rebelde na magbalik-loob at mamuhay ng mapayapa.
Matapos makumpirma ang kagustuhan ay masusing nagplano ang pinagsanib-pwersa ng kasundaluhan ng 9th Infantry (SANDIGAN) Battalion, 9ID at 81st Infantry (SPARTAN) Battalion, 7ID.
Agad na isinagawa ang operasyon upang masundo ng mapayapa ang fulltime member na NPA sa kanyang kinaroroonan at mailigtas siya sa mahigpit at mapang-abusong pamunuan ng CPP-NPA-NDF.
Ito ay kusang loob na sumama sa mga kasundaluhan dahil na rin sa kanyang dinanas na hirap at abuso sa pamunuan ng kanyang unit.
Ayon kay LTC. Cleto R. Lelina Jr., INF (GSC) PA, ang kanilang pamunuan ay nagpapasalamat sa tiwalang ibinibigay sa mga kasundaluhan at ito na ang resulta ng pinaigting na suporta sa EO 70 o Whole of Nation Approach kung saan katuwang na ng kasundaluhan at kapulisan ang buong ahensya at indibidwal sa pagsugpo ng insurhensiya sa mapayapang pamamaraan.
Aniya, kahit kaninong sektor o organisasyon, maging pari man o madre, guro, pulis, pulitiko o kahit sinong indibidwal na nararamdaman ang kanilang tiwala ay maaari silang makipag-ugnayan o lumapit upang magbalik-loob sa pamahalaan para sa mapayapang pamumuhay.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng 9IB ang Former Rebel at inaasikaso ang kanyang mga pangangailangan habang inuna muna ang kanyang overall medical check-up upang malaman ang kalagayan ng kanyang kalusugan.
Sinimulan na rin ipunin ang kanyang mga requirements upang makakuha ng iba’t-ibang benepisyo mula sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP). (PIA5/Camarines Norte/ ulat mula sa tanggapan ng 902nd Infantry Fight & Serve Brigade)