No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Titulong ‘Mother-Baby Friendly Hospital,’ ipinagkaloob ng DOH-CHD Mimaropa sa OMPH

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Tinanggap kamakailan ni Provincial Administrator Dr. Hubbert Christopher Dolor na kumatawan kay Gob. Humerlito Dolor, kasama sina Provincial Health Office-OIC Dr. Cielo Angela Ante at OMPH Chief of Hospital Dr. Dante Nuestro ang plake ng pagkilala at sertipikasyon ng akreditasyon mula sa Department of Health Center for Health Development (DOH-CHD) Mimaropa na ang Oriental Mindoro Provincial Hospital (OMPH) ay isa ng ‘Mother-Baby Friendly Hospital’ na.

Ang plake ng pagkilala na iginawad sa Oriental Mindoro Provincial Hospital ng DOH bilang Mother-Baby Friendly Health Facility na ipinagkaloob kamakailan sa Pamahalaang Panlalawigan. (Larawan kuha ng: PIO-OrMin)

Iginawad ang titulo base na rin sa pagsisikap na maisakatuparan ang mahahalagang pamantayan sa pangangalaga sa mga ina at sanggol nito na kabilang sa pagkakaroon ng naturang ospital ng mga polisiya; pagbibigay ng pagsasanay at oryentasyon para sa mga kawani para dito, pangangalaga at paghahanda sa mga buntis bago manganak, pag-aalaga sa mga ina matapos manganak, pagbibigay kaalaman hinggil sa wastong pagpapasuso pagkaanak sa sanggol at tamang pag-aalaga at pagpapalaki sa bata ng mga nanay matapos manganak.

Itinuturo rin sa naturang ospital ang kahalagahan ng matagal na pagsasama ng ina at ng sanggol at maramdaman kung nagugutom na ito at dapat ng pasusuhin, pagpapayo sa mga nanay hinggil sa panganib na dulot ng mga feeding bottles, teether at pacifier; at pag-gabay sa mga ina hinggil sa wastong pangangalaga sa kanilang sanggol kapag ito ay lalabas na ng ospital.

Sumunod din ang OMPH sa itinadhana ng batas ng Philippine Milk Code sa pagkakaloob ng tamang kaalaman para sa wastong pangangalaga at pagpapalaki sa kanilang mga anak, sa pamamagitan ng pagbibigay ng oryentasyon sa mga manggagawa ng ospital hinggil sa kahalagahan ng pagtuturo ng breastfeeding, at ang pagtatalaga ng dalawang Lactating Station sa ospital o lugar kung saan pwedeng magpasuso ang mga nanay. (DN/PIA-OrMin/PIO-OrMin)

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch