LUNGSOD NG SORSOGON, Sorsogon (PIA)--Isinagawa ang Community Peace Dialogue Serbisyo Caravan na pinangunahan ng 903rd Infantry (PATRIOT) Brigade 9ID Infantry Division sa Barangay San Rafael at Barangay Tuba sa bayan ng Donsol noong Pebrero 3-4, 2023.
Ang nasabing aktibidad ay may temang: "Pagkasararo asin Pagtarabangan, Dalan sa Matoninong asin Progresibong Banwaan" (Pagkakaisa at Pagtutulungan, Daan tungo sa Mapayapa at Maunlad na Pamayanan).
Kabilang sa mga ahensyang dumalo at nagpaabot ng kanilang serbisyo ay 903rd Infantry (PATRIOT) Brigade 9ID Infantry Division Philippine Army, Medical Team ng Camp Elias Angeles Station Hospital, 504th MC, RMFB5, 2CRG,CRSAFP, LGU Donsol, DSWD5, PSWD Sorsogon, DTI, BFAR, DOLE at TESDA alinsunod sa pagpapatupad ng Whole-of-Nation Approach upang wakasan ang insurhensya at maihatid ang mga pangunahing serbisyo sa mga mamamayan.
Aabot sa humigit kumulang 600 residente ang natulungan at na serbisyuhan ng nasabing aktibidad.
Kasama sa mga serbisyong ipinaabot ay ang konsultasyong medikal, pamamahagi ng mga gamot, bitamina at mga food packs.
Kaugnay nito, nagsagawa rin ng dayalogo sa mga residente upang magkaroon ng kamalayan sa mapanlinlang na recruitment ng Communist Terrorist Group (CTG) kasama na ang mga gawaing terorismo nito.
Nagsagawa rin ng mga adbokasiya at oryentasyon ng programa ang iba't ibang ahensya ng gobyerno.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga residente ng nabanggit na barangay sa mga serbisyong hatid sa kanila ng iba't ibang ahensya ng gobyerno.(MLA/PIA5/Sorsogon)