No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Bugkalot chieftain, nanawagan ng pagkakaisa para sa hinihinging FPIC sa Casecnan dam

Nanawagan ng pagkakaisa sa tribung Bugkalot ang Chieftain ng Bugkalot Confederation ng Aurora, Nueva Vizcaya, Quirino at Nueva Ecija upang makamit ang minimithing Free Prior and Informed Consent (FPIC) sa tribu ng magiging bagong contractor ng Casecnan Multi-Purpose Irrigation & Power Project sa Alfonso Castaneda, Nueva Vizcaya. Larawan kuha ng PIA

ALFONSO CASTANEDA,  Nueva Vizcaya (PIA) - - Nanawagan ng pagkakaisa ang pangulo ng Bugkalot Confederation of Nueva Vizcaya, Aurora, Quirino at Nueva Ecija para sa kanilang hinihinging Free Prior and Informed Consent (FPIC) consultations sa patuloy na operasyon ng Casecnan Multi-Purpose Irrigation and Power Project (CMIPP) sa bayang ito.

Ayon kay Bugkalot Confederation Chieftain Rosario Camma, dapat isagawa na ng National Commission on Indigenous People (NCIP), National Irrigation Administration (NIA), Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) at ang mananalong contractor ng CMIPP ang FPIC upang tuluyan nang maibigay ang mga benepisyo para sa mga Bugkalot na nagmamay-ari o may Ancestral Domain ng kagubatang pinanggagalingan ng tubig ng Casecnan dam.

Ayon kay Camma, 23 taon na ang nakakaraan mula noong nag-umpisa ang operasyon ng CMIPP ngunit wala pang naibibigay na Royalty share para sa mga  katutubong Bugkalot ng apat na probinsiya.

Hiniling din ni Camma sa senado ang pagrebisa sa mandato ng NCIP dahil  sa pag-usbong ng mga  ibang grupo ng Bugkalot na tinutulungan umano ng ahensiya kung saan nasisira ang pagkakaisa ng Bugkalot Confederation.

Dagdag pa ni Camma na mananatili ang barikada na itinayo ng Bugkalot Confederation sa CMIPP facility sa barangay Pelaway sa bayang ito hangga’t hindi naipapatupad at naisasagawa ang kanilang hinihiling na FPIC sa ilalim ng Indigenous Peoples Rights Act (IPRA).

Ayon pa kay Camma, wala silang tutol sa ibibigay na Corporate Social Responsibility (CSR) Fund ng nakaraang CMIPP contractor sa Bugkalot Ancestral Domain Environmental  Management Council (BADEMC) ngunit hindi dapat itong gawing kundisyon upang mabuksan ang barikadang naipatayo ng Confederation sa CMIPP facility sa barangay Pelaway.

“Magkakagulo ang tribu kapag ganun ang mangyayari. Sana ay huwag humantong sa ganoong sitwasyon dahil ang hinihiling namin ay FPIC para sa pangkalahatang tribu ng Bugkalot. Ipinatayo natin ang barikada upang himukin ang pamahalaan na isagawa ang malawakang  FPIC sa tribu,” pahayag ni Camma.

Ayon naman kay Atty. Efraim Osingat, legal counsel ng Bugkalot Confederation, dalawa pa sa 20-point demand ng mga Bugkalot ang hindi pa naibibigay sa kanila.

Ayon sa kanya, ito ay ang  Royalty Share ng tribu mula sa operasyon ng CMIPP at ang pagbuo ng isang Bugkalot Municipality.

Dagdag pa ni Osingat na hindi dapat nakikipag-negosasyon ang NIA at NCIP sa ibang grupo ng Bugkalot kundi sa Bugkalot Confederation lamang dahil  sila ang lehitimong representasyon ng katutubong Bugkalot sa apat na probinsiya.

Hiniling din ni Osingat ang tulong ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. upang maibigay ang mga natitirang kahilingan ng mga katutubong Bugkalot na naging kundsiyon bago pa naipatayo ang CMIPP.

Layunin ng CMIPP na magbigay karagdagang kuryente sa Luzon Grid at tubig sa  mga palayan sa Central Luzon.(MDCT/BME/PIA NVizcaya)

About the Author

Benjamin Moses Ebreo

Information Officer III

Region 2

Feedback / Comment

Get in touch