LUNGSOD NG BATANGAS (PIA)—Isinagawa ng National Telecommunications Commission (NTC) Calabarzon ang assisted SIM Card registration sa Municipal Gymnasium sa bayan ng Agomcillo noong ika-9 ng Pebrero.
Katuwang ng NTC ang lokal na pamahalaan at tatlong telecommunications providers kabilang ang Smart, Globe at DITO sa pagsasagawa ng naturang aktibidad.
Mahigit 400 mga residente ng naturang bayan ang nakinabang dito kung saan sila ay inasistihan ng tatlong network providers sa step-by-step procedure para sa pagrerehistro.
Ito ang ika-apat na bayan kung saan nagsagawa na ng assisted SIM card registration kung saan nauna na dito ang bayan ng Rosario, Lemery at Lian.
Sa panayam kay NTC Calabarzon Regional Director Barcelona, tuloy tuloy lamang ang ganitong aktibidad ng kanilang ahensya katuwang ang mga telco providers upang maging 100% registered bago sumapit ang itinakdang deadline ng pagrerehistro.
Ilang mga bayan pa sa lalawigan ng Batangas ang nakahanay na pagdausan ng parehong aktibidad kabilang ang Lobo, Mabini, Balayan at Talisay. Mayroon ding mga schedules sa iba’t-ibang mga bayan sa mga lalawigan ng Laguna, Cavite, Rizal at Quezon sa buong buwan ng Pebrero hanggang Abril.
Ayon kay Rody de Leon, hepe ng Business Process Licensing Office(BPLO) at designated Information Officer sa Agoncillo,malaking bagay na may ganitong mga aktibidad dahil mas napapabilis ang registration lalo na ang mga senior citizens at PWDs dahil naiituro sa kanila ang tamang paraan para makapagrehistro. (MDC/PIA-Batangas)