
ALFONSO CASTANEDA, Nueva Vizcaya (PIA) - - Suportado ng tribung Bugkalot sa impact zones ng Casecnan Multi-Purpose Irrigation and Power Project (CMIPP) ang isinasagawang negosasyon ng pamahalaan upang umusad ang konsultasyon hinggil sa Free Prior and Informed Consent (FPIC) sa nasabing tribu.
Ayon kay Daniel Pasigian, chairperson ng Bugkalot Ancestral Domain Environmental Management Council (BADEMC) na binubuo ng mga barangay official mula sa impact zones ng CMIPP, kinikilala ng National Irrigation Administration (NIA), Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM), National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kanilang grupo bilang katuwang ng pamahalaan sa pagpapatupad ng iba’t-ibang proyekto para sa ikabubuti ng buong komunidad ng tribung Bugkalot.
“Well represented ang aming grupo sa iba’t-ibang sektor ng pakikipag-usap sa pamahalaan upang mapangalagaan ang kagubatan at watershed ng Casecnan dam. Kaisa naming sa layuning ito ang mga grupo na hindi tumutuligsa sa amin,” pahayag ni Pasigian.
Ayon pa sa kanya, hinihintay na nila ang NCIP En Banc Resolution upang maituloy na ang FPIC sa kanilang komunidad sa oras na matapos ang pagpili sa bagong contractor ng CMIPP.
Dagdag ni Pasigian na suportado rin ng Bugkalot/Ilongot Council for Peace and Development (BICPD) ang kanilang grupo na makipag-usap sa mga ahensiya ng pamahalaan upang makamit ang kanilang minimithing FPIC at iba pang programa at proyekto para sa tribung Bugkalot.
Isa sa mga inaasahan nilang ibibigay ng NIA sa grupo ang Corporate Social Responsibility (CSR) fund para sa iba’t-ibang programa at proyektong makakatulong sa mga komunidad ng tribung Bugkalot.
“Nagkaroon pa kami ng ‘Seggeman’ o peace pact kasama ang BICPD at ang Bugkalot Confederation ng Aurora, Nueva Vizcaya, Quirino at Nueva Ecija ngunit biglaan na lamang na binawi ng Bugkalot Confederation ang kanilang suporta sa napagkasunduan namin kasama pa naming ang NIA, PSALM at NCIP noon,” pahayag ni Samson Ebenga, barangay captain ng Abaca sa bayan ng Dupax del Sur at kasalukuyang vice chairperson ng BADEMC.
Ayon pa kay Pasigian, maisasali pa rin nila ang Bugkalot Confederation sa paggamit ng anumang pondong maibibigay sa kanila ng pamahalaan sa oras na umusad ang FPIC at Memorandum of Agreement (MOA) hinggil dito.
“Isasali pa rin naming ang Bugkalot Confederation sa pag-uusap bilang ‘audience’ na lang kasi bumitaw sila sa aming naunang kasunduan at hindi na kami kinikilala bilang lehitimong organisasyon,” pahayag pa ni Pasigian. (MDCT/BME/PIA Nueva Vizcaya)