LUNGSOD NG LUCENA (PIA)- Inihayag ni Tayabas City Registrar Maide Obdianela Jader sa idinaos na “Kapihan sa PIA” sa Pacific Mall Lucena City noong Pebrero 8 na nagsimula na ang pagdiriwang ng 33rd Civil Registration Month sa lungsod ng Tayabas sa pamamagitan ng pamamahagi ng laptops sa 66 barangays at pagsasagawa ng mobile registration sa malalayong lugar.
Ayon pa kay Jader, magkakaroon rin ng statistics quiz, TikTok dance contest, slogan, spoken poetry challenge at iba pang patimpalak na magiging bahagi ng pagdiriwang.
“Ito ay isa sa mga prayoridad na programa ni Tayabas City Mayor Lovely Reynoso-Pontioso na maipa-rehistro ang bawa’t ipapanganak sa lungsod at maitaguyod ang mabilis na proseso sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko,” sabi pa ni Jader.
Nanawagan si Jader sa kanyang mga kababayan na makiisa sa nasabing mga paligsahan upang maging matagumpay ang pagdiriwang.
Kaugnay nito, inihayag naman ni Margarita Cada, statistical specialist ng Philippine Statistics Authority (PSA)-Quezon na patuloy ang kanilang ugnayan sa lahat ng city/municipal civil registrar offices sa buong lalawigan ng Quezon upang matiyak na nagkakatulungan sila sa pagkakaroon ng wastong pagpaparehistro ang bawa’t mamamayan sa lalawigan. (RMO/PIA-Quezon)