No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

PSA Albay hinimok ang publiko na makilahok sa mga aktibidad kaugnay ng Civil Registration month

LEGAZPI CITY, ALBAY (PIA5/Albay)---Muling nagpaalala ang Philippine Statistics Authority (PSA) Albay sa publiko na mag-rehistro ng kanilang kasalukuyang civil status kaugnay sa pagdiriwang ng 33rd Civil Registration Month 2023 nitong Byernes ika-11 ng Pebrero.

Ito ay alinsunod sa Proklamasyon blg. 682 na nagsasaad na ang buwan ng Pebrero ay idineklara na Civil Registration Month. Ito ay  pinagtibay ni dating Pangulong Corazon C. Aquino noong ika-28 ng Enero 1991.

“Ang pagdiriwang ng Civil Registration Month ay nagpapaalala ng ating tungkulin na magparehistro ng mga pangyayaring may kinalaman sa ating civil status,’’ pahayag ni PSA Albay Information Officer Cross Doree Lee.

‘’Ito rin ay upang maisulong ang ating kamalayan at pagpapahalaga sa legal na administratibo at istatistikal na halaga ng civil registration,” dagdag ni Lee.


SELEBRASYON. Ibinahagi ni PSA Albay Information Officer Cross Doree Lee ang kanilang isasagawang mga aktibidad at kahalagahan ng pag-update ng civil status ng isang indibidwal sa progamang Talakayan sa PIA albay kaugnay ng selebrasyon ng Civil Registration Month 2023 ngayong buwan ng Pebrero. (PIA5/Albay)

Batay sa Republic Act No. 3753 Civil Registration Law, kasama sa mga dapat kolektahin ng PSA ay ang vital statistics, o datos ayon sa pagkatao ng indibidwal tulad ng kanyang kapanganakan, kasal, pagkamatay at iba pang kaganapan na may epekto sa kanyang civil status.

Ayon kay Lee nakapaloob sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng nasabing batas na kailangan na magparehistro, timely o late registration man.

‘’Para sa birth, death certificate o walang marriage contract, dapat magparehistro sa loob ng 30 araw,’’ saad ni Lee.

Samantala, para naman sa magpaparehistro ng kanilang marriage license ay kailangan magparehistro sa loob ng 15 araw.

Mga paraan ng PSA para sa epektibong pagrehistro

Aniya, gumagawa ang kanilang ahensya ng iba’t - ibang hakbang upang maisakatuparan ang adhikaing ito.

Kaugnay sa temang “PSA @ 10: Providing Efficient and Effective Civil Registration and Vital Statistics Through Digital Transformation,” nais ng PSA-Albay na makapaghatid ng mas mabisang serbisyo gamit ang digital na pamamaraan.

Sinabi ni Lee na dahil nasa panahon na tayo ng masigasig na paggamit ng teknolohiya ay mas epektibo nilang maisasakatuparan ang kanilang layunin.

“Gumagamit kami ng infographics at social media cards, at inaayos namin ang paraan para makapag-paabot ng impormasyon, at sinisikap po nating makapagpalabas ng timely data as to vital statistics. Pwede po pumunta sa aming website o mag-request sa opisina,” saad ni Lee.

Ipinaliwanag naman ni Lee kung ano ang kahulugan ng ‘’vital statistics.’’

‘’Ang vital statistics ay ang ating mga datos o statistics na nakukuha galing sa civil registry documents, kung saan nakatala ang vital events tulad ng kapanganakan at iba pa na may kinalaman sa civil status ng isang tao,’’ paliwanag ni Lee.


Samantala, sinabi ni Lee na nagsasagawa rin sila ng outreach activities upang makarating ang kanilang serbisyo sa iba't-ibang sektor tulad ng senior citizens, kababaihan, kabataan, persons with disabilities (PWDs), at indigenous peoples (IPs).

“Ito po ay sort of charitable activity at kami ay committed sa information dissemination. May pinipiling sektor tulad ng senior citizens at nagbibigay ng lecture kung saan ibinabahagi namin ang impormasyon na available sa aming opisina, hindi lang sa vital statistics kundi pati sa ibang aktibidad,” ayon pa kay Lee.

Dagdag pa niya maraming nakahandang programa at aktibidad ang nasabing opisina para sa pagdiriwang ngayong taon, kagaya ng exhibit, clean-up drive, feeding program, at gift-giving activity.

‘’Sa darating na ika-17 ng Pebrero, may charitable activity kaming gagawin, feeding program at information dissemination sa isasagawang ‘Handog  ng SECPA certificate of life of birth sa isang barangay sa Jovellar.’’ saad ni Lee.

Inaanyayahan din ni Lee ang mga estudyante mula Junior at Senior High School na makilahok sa Digital art drawing contest na isasagawa sa ika-21 ng Pebrero. (Mula sa ulat nina Ann Jubelle De Vera at Cristine Joy Bobiles--PIA5/Albay)

About the Author

Cyryl Montales

Writer PIA/Albay

Region 5

Amor Fati

Feedback / Comment

Get in touch